Patay ang isang lalaki na sangkot sa pagbebenta umano ng mga hindi lisensyadong baril matapos na mapa-engkuwentro sa mga alagad ng batas kung saan dalawang kasamahan nito ang timbog sa buy-bust operation sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni Police Chief Supt. Charlie Cabradilla ng Northern Police District-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kinilala ang napatay na suspek na si Ramil del Rosario, 40-anyos, ng Block 2 Lot 18, Sawata Area 2, Barangay 35, Maypajo habang ang dalawang kasamahan na dinampot ay sina Katherine Trinidad, 35-anyos at Tracy Tolosa, 21-anyos ng Pritil, Tondo, Manila.

Nagkasa ng operasyon ang Northern District Field Unit (NDFU) sa pamumuno ni PSInsp. Jayson Quijana laban kina Del Rosario na nagbebenta ng baril bandang alas-4:30 ng hapon sa kanyang bahay.

Sa kalagitnaan ng transaksyon ay dito napansin ang pot session nina Trinidad at Tolosa. Maya-maya pa ay nakaramdam na pulis ang katran­saksyon, dahilan para biglang bumunot ng baril si Del Rosario at pinaputukan ang pulis.
Sa gantihan ng putok ay tinamaan ang suspek, na agad na nasawi.

Nakasamsam ng .9mm pistol, mga bala, .45 pistol at mga plastic sachet ng shabu sa lugar.

Nasa kustodiya ng Caloocan City detention cell sina Tolosa at Trinidad na pawang nahaharap naman sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.