Sa isang Facebook page, na itago sa pangalang 911 Philippines Supporters, may isang hindi nagpapakilalang guro ang may bukas na liham para kay Queen Bayot, Vice Ganda.

May 5.3K likes na ito, 3.9K shares at 900 comments na tiyak, maaring triple na ang pigura kapag lumabas ito sa aming pangmalakasang tabloid.

Ang nakasaad sa open letter: “Vice, natatakot ako. Natatakot ako bilang isang guro at bilang isang Pilipino. Natatakot ako sa kahihinatnan ng pagpapatuloy ng iyong impluwensya sa industriya lalo na ang istilo ng iyong pagpapatawa.”

Sa ikatlong talata ng liham, ang guro, ang isunulat: “Bilangin mo kung ilang kabataan ngayon angnaimpluwensyahan mong mambara, mambully at mang-asar ng kapwa.”

“Nakakalibot. Ngayon ko lang napagtanto. SA PANANDALIANG ALIW NA IYONG NAIBIBIGAY AY KAPALIT PALA ANG PANGMATAGALANG PAGBABAGO NG KULTURA AT ASAL NG KABATAANG PILIPINO. Hindi pala siya masaya. Hindi pala siya makatao. Dalangin ko’y ito’y mabago. Hangad namin na maibalik ang malinis at may respetong pagpapasaya ng tao. Isa akong guro at hindi ko na masikmura pa, kung ito’y magpapatuloy,”ang panghuling talata ng liham ni Mam na ayaw magpakilala.

May kaalaman kaya si Jose Marie Viceral a may open letter para sa kanya na sa kasalukukuyan ay pinagpapasa-pasahan? Ano nga kaya ang magiging reaksyon niya dito na may isang guro na hindi na masikmura ang brand at istilo ng kanyang pagpapatawa?

Nakakasulasok na nga ba ang kanyang pang-aasar, pambebengga, pambubwisit? Mas masakit nga ba sa tenga ang mga biro niyang totoo kaya mas malakas ang halakhakan at kantiyawan?

Nasa demokrasya tayo kaya hindi ko babasagin ang pag-aalala ni gurong ayaw magpakilala. Bukas ang aming pitak, kung saka-sakaling may opisyal na reaksyon si Viceral sa open letter na ang bottom line, eh kumilos ang Queen Bayot ayon sa kanyang tunay na pagkatao at kagandahan.

Xander minura sa ilusyong kamukha si Gong Yoo

May isang on-line page na ang may akda, parang maririnig mo ang malutong niyang pagmumura matapos niyang malaman na ang flash in the pan science project, si Xander Ford, sinabi raw sa mga panatiko nito na kamukha niya ang Korean superstar na si Gong Yoo.

Juice colored! Nauunawaan ko naman talaga ang bayolenteng reaksyon mula sa manunulat at tiyak, lahat ng mga hindi sinasadyang mabasa ang diumanong sinatsat ni Ford na kamukha niya si Gong, kung hindi sumakit ang ulo, walang duda, nagdabog ang bangs.

Iba rin ang proklamasyong ito ni Marlou Arizala, hindi ba naman? Nakakatulirong paandar. Nakawiwindang na payanig!

Hindi kaya magkapit bisig ang mga lahat ng mga Gong Yoo follower at ratratin sa bashing at hating si Marlou na parang wala nang bukas?

Sa true lang, kataka-taka at kakahibang kung saan nakuha ni Xander ang kumpiyansa na sabihin na magkapareho sila ni Ginoong Gong sa kapogian?

Ano ngayon ang dapat nating gawin kay Mr. Ford? A.) Ipadala ang kanyang mga pre-facial transformation na mga larawan para naman mahimasmasan? B.) Daily supply of brewed coffee, walang creamer at muscovado sugar para siya ay kabahan man lang at itigil ang kahibangan o C.) ating tanggapin na maluwag sa dibdib na dahil nga nasa demokrasya tayo.;Kung trip niya na si Gong Yoo ang kanyang kamukha, hayaan na natin dahil nga wala na namang pumapansin sa kanya at aminin nating lahat, epektibo ang pag papansin niyang ito, hindi ba naman?

Kaya sige na nga Xander Ford, pagbibigyan na kita sa ilusyon mong iyan. Ngayon nga lang. Kaya wag ka na makaulit-ulit, huh!