Guro, estudyante nganga pa rin sa silid-aralan

Balik-eskuwela na sa Hunyo 4 pero problema pa rin ang kapos na bilang ng mga silid-aralan.

Pinaaaktuhan nina ACT Teachers Party-list Reps. Antonio Tinio at France Castro sa Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) na solu­syunan ang 81,750 kulang na classroom na bubulaga sa mga guro at mag-aaral sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.

Ayon kay Tinio, hindi naabot ng DepEd ang target sa loob ng dalawang nakalipas na school years.

“Though the 113,955 classroom shortage in 2017 was lessened by the procurement and construction of 97,261 classrooms, there remains 16,694 classrooms yet to be built. On top of this is the 46,998 classroom construction which the agency targeted using its 2018 budget and the 18,058 shortage of classrooms in Metro Manila in 2017,” pagbubunyag ni Tinio.

Para mabigyan ng akomodasyon ang 26.6 milyong enrollment sa mga eskuwelahan nga­yong taon, mapipilitan na naman diumanong dumiskarte at gumawa ng paraan ng mga guro at administrador.

Kabilang na rito ang pagkakaroon ng tatlong shift ng mga klase, pagdaraos ng klase sa sto­rage room, multi-purpose hall at maging sa mga pasilyo.

May ulat din na natatanggap ang mga kongresista na may mga nagkaklase pa rin sa ilalim ng mga puno at itinayong mga pansa­mantalang silid-aralan sa mga lugar na madalas madale ng kalamidad sa Eastern Visayas gayundin sa Marawi.
Batay naman kay Castro, sa Bagong Silangan High School sa Quezon City ay dalawang­ klase na may tig-45 na estudyante ang nagsisiksikan sa isang silid. ­