Kinukuwestiyon ngayon ng may 300 pamilya ang ligalidad ng pagtatanggal ng mga labi mula sa mga musoleyo at nitso na isinagawa ng Lungsod ng Quezon sa Novaliches cemetery.

Partikular na isyu kung sino ang tunay na may-ari ng porsyon ng semen­teryo, na anila ay pagmamay-ari ng Diocese of Novaliches at hindi ng lokal na pamahalaan.

Ngunit sa isang panayam, sinabi ni Quezon City Civil Registrar Ramon Matabang na hangga’t hindi ito napatutunayan at walang nailalabas na titulo na nagpapakita ng kanilang pahayag, ituturing lamang umano nilang peke ang anumang papel na ipiprisinta sa kanila.

“Without presentation of the actual lot title, we consider such agreements as mere scraps of paper,” ayon kay Matabang.

Lumabas ang problema sa pag-aari ng bahagi ng lumang sementeryo matapos ang ginawang pagtatanggal ng mga labi sa musoleyo at nitso, pagsako sa ilan dito at paglipat umano sa mga apartment-type na nitso.

Samantala naglabas ng pahayag ang si Rev. Fr. Marlou V. Lemaire, head of the Properties Department of ng Novaliches Diocese na bagama’t may hurisdiksiyon ang lokal na diocese sa sementeryo, nasa ilalim pa rin umano ng Manila Archdiocese ang titulo ng lupa.

Ayon kay Lemaire nasa proseso pa umano ang paglilipat ng titulo sa Diocese of Novaliches.