Tuloy ang executive session ng Philippine Olympic Committee ngayong araw sa PhilSports Complex, nangako si POC president Ricky Vargas na haharapin ang kanyang board.
Walo sa 13 miyembro ng POC Board ang humiling ng meeting.
Gustong marinig ng board ang panig ni Vargas sa kontrobersiyal na pagkakatatag ng Phisgoc Foundation, Inc., grupong namumuno na raw sa preparasyon para sa 30th Southeast Asian Games na iho-host ng Pilipinas mula Nov. 30-Dec. 11.
Ang inaprubahan ng POC Board ay ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee o Phisgoc, hindi ang Phisgoc Foundation. Si Taguig Congressman-elect Alan Peter Cayetano ang chairman ng Phisgoc.
Pero ginawa anila incorporated ang Phisgoc kaya naging Phisgoc Foundation.
‘Di pa rin anila maka-full blast ang SEAG preparation ilang buwan na lang bago ang SEA Games.
May ulat na papasok pa ang International Olympic Committee sa usapin, tumawag si IOC head of national Olympic committee relations head Jerome Polvey kay Vargas at inabisuhang pulungin ang kanyang board. (VE)