‘GUSTO AKONG IPATUMBA’ — TRILLANES

Kasunod ng banta na siya ang isusunod na ipapakulong kasunod ni Sen. Leila de Lima, hindi naman ito ikinatakot ni Sen. Antonio Trillanes IV dahil nanggaling na siya sa kulungan.

“Hindi ako natitinag diyan. Nakulong na ako dati ng pitong taon,” wika ni Trillanes matapos kasahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirr­e ang sigaw ng mga raliyista ng pro-Duterte sa Luneta noong Sabado na isunod na si Trillanes sa kulungan.

Sinabi pa ng senador na hindi naman kulungan ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte kundi ang mapatay siya dahil sa mga banat sa kanya mula noong 2016 presidential elections hanggang sa kasalukuyan.

Aniya, isiniwalat sa kanya ng dating kanang kamay ni Duterte na si retired SPO3 Arthur Lascañas na galit na galit sa kanya si Duterte at gusto nang ipatrabaho ang pag­likida sa kanya.

“Actually ako ‘yung uunahin dapat kasi nga gusto akong ipatumba. Hindi kakasuhan, pero ipapapatay. Sinabihan si Lascañas after nu’ng pagka­panalo ni Duterte, sinabihan na galit na galit nga raw sa akin,” ani Trillanes.

Natanong din si Trillanes sa programa ng himpilang DzBB kung makakatapos ng termino si Pangulong Duterte sa 2022.

“Sana po hindi,” diin niya.

Aniya, dapat maga­lit na ang taumbayan sa ­ginagawa ni Duterte dahil mayroon nang walong libong Pilipino ang ipinapatay nito.

“Sabihin na nila kung adik ‘yung iba diyan, pusher ‘yung iba diyan, pero hindi sila dumaan sa proseso. Hindi man lang binigyan ng pagkakataong ma-rehab at magbago ng buhay. At worse, ‘yung iba diyan marami-rami rin po na inosenteng tao, mistaken identity, nahagip lang ng bala o anuman,” dagdag pa niya.

Nilinaw naman ni Trillanes na hindi niya itinutulak na magkaroon ng kudeta, tulad ng ginawa niya sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-­Arroyo kung saan siya nakulong ng pitong taon.

“Wala tayong pinag-uusapan ng kudeta o kung ano dahil retired na ako diyan,” pagtatapos ng senador.