‘Gusto niya, masaya pa rin kami at sa isip niya, gagaling siya…’ — Direk CARLO J

Donna Villa at Direk Carlo J. Caparas

KAGABI binuksan ang burol ng producer ng Golden Lion Films na si Donna Villa.

Sumama ako kay Manay Lolit Solis na pumunta na kahapon ng hapon sa Cosmo­politan Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.

Inihahanda pa lang noon ang chapel at inaayusan pa si Tita Donna sa kanyang ­kabaong.

Dumating na rin si Direk Carlo J. Caparas kasama ang kanyang mga anak.

Inihahanda nila ang misa bago ito i-cremate. Ang bilin kasi ni Tita Donna na i-cremate muna siya bago buksan ang burol nito.

Nagkaroon muna ng misa na dinaluhan ng ­pamilya at ng malalapit na kaibigan.

Nilinaw sa amin ni direk Carlo J na cancer of the uterus ang ikinamatay ng kanyang asawa.

“Hindi pa nasi-sink in sa akin na wala na si ­Donna,” pakli ni Direk Carlo J.

“Kilala n’yo naman ‘yun kung gaano siya katapang. Kahit lagnat, wala akong maalalang nagkaroon ‘yan eh,” sabi pa nito.

Inilahad ni Direk ­­Carlo ­J ang nangyari nang na-diagnose na may cancer sa uterus si Tita Donna.

Huli nang nalaman nilang malala na ito. Noong na-CT scan, doon nakitang malaki na ang myoma sa uterus ni Tita Donna.

Kumalat na ito at hindi nila alam kung ­maagapan pa ba.

Hindi alam ni Direk Carlo J kung ano ang ­gagawin niya nang nag-usap sila ng doktor.

Ang gusto kasi ni Direk Carlo, ipaopera na at ­tanggalin, pero sinabihan siya ng doktor na ­ooperahan lang kung puwede pa.

“Doon ako bumagsak, eh. Nu’ng sinabi ng doktor kung puwede pa. ­Hindi ko alam kung paano ko sabihin sa kanya,” pahayag ng nobelista at direktor.

Napag-usapan daw nilang mag-asawa at mahigpit na ipinakiusap ni Tita Donna na walang makakaalam kahit mga malalapit na kaibigan.

Kaya nagulat ang taga-showbiz nang nalamang pumanaw na ito sa sakit na Cancer.

Ang bilis ng mga pangyayari. Nu’ng nakaraang buwan lang ipinasok ng hospital, mahigit isang buwan lang, eto na ang nangyari sa kanya.

Magmula nang ipinasok sa hospital si Tita Donna, hindi na ito iniwan ni Direk Carlo J.

Kahit noong na­ka­raang FAMAS Awards ay pinipilit daw siya ni Tita Donna na dumalo pero hindi niya kayang iwan ang kanyang asawa na nasa ganu’ng kalagayan.

“Gusto nga niyang tanggalin ang mga tubo sa bibig niya, para siya na lang daw ang pupunta.

“Sabi pa niya sa akin, kung ako raw ang nasa hospital, iiwan daw niya ako para tanggapin lang ang award.

“Pero ayoko talaga. Kailangan, samahan ko siya. Iyun pa rin ang iniisip niya, eh.

“Sa isip niya kasi, malalagpasan n’ya ‘to. Ayaw niya ng malungkot kami. Gusto niya, masaya pa rin kami at sa isip niya, gagaling siya,” patuloy ni Direk Carlo J.

Kaya mahirap pa sa kanya na tanggapin itong nangyari sa kanila.

Hindi pa niya alam kung ano ang gagawin niya na wala si Tita Donna na ka-partner niya sa lahat ng ginagawa niya.

“Kagabi, pag-uwi ko, siya pa rin ang nakikita ko eh. Katabi ko siya ng 29 years sa lahat na mga lakad namin.

“29 years kaming nagsasama na siya lang ang katabi ko sa pagtulog at sa lahat na ginagawa ­namin, sa kanya lang ako sumusunod.”

Kailangan niyang magpakatibay dahil kung bibigay siya, alam niyang bibigay rin ang mga anak niya.

Hanggang bukas ang wake kay Tita Donna at ang bilin sa kanila na itabi ang mga abo nito sa kanyang mga magulang, kaya dadalhin nila ito sa Cebu.

Tinatapos pa ni direk Carlo J ang pelikulang Kamandag ng Droga at hindi pa niya maisip kung paano niya ito tatapusin nang wala ang kanyang ­asawang kasama niya sa lahat ng oras.

Nakikiramay po kami kay Direk Carlo at sa ­lahat na naiwan ni Donna Villa.