Dear Atty. Claire,
Kasal po ako ng 2 beses sa iisang babae, una sa huwes at ang pangalawa ay sa simbahan.
Pero 7 taon na po kaming hiwalay dahil sa maraming kadahilanan. Sakali po bang gusto kong ipa-annul ang kasal namin, dapat po bang pareho o kahit isa lang dun ang kailangan na mapawalang bisa? Alin po sa 2 ang kailangan?
Paano rin po ba ang unang-una kong dapat na gawin para makapag-file ng annulment of marriage?
Isa po kasi akong OFW at 1 beses lang ako nakakauwi ng Pilipinas sa loob ng isang taon.
Sana po ay matulungan nyo ako. Huwag nyo na rin po sanang i-publish ang pangalan ko.
Pagpalain po kayo! Umaasa at nagpapasalamat po ako sa inyo ngayon pa lang.
Domanz
Mr. Domanz,
Pumunta ka muna sa Philippine Statistics Authority (PSA – dating NSO) at kumuha ka ng certified true copy ng inyong marriage certificate.
Doon mo malalaman kung ano ang kasal na nairehistro. Karaniwan ay ang unang kasal at iyon ay sa harapan ng huwes o judge.
Kung ano ang nakarehistro na kasal ay iyan ang ipapawalang bisa mo sa husgado.
Ang kasal sa simbahan matapos ang unang kasal sa huwes ay itinuturing lamang na renewal of vows o thanksgiving celebration lalo pa at nais nilang muling mabasbasan ng pari sa simbahan.
Ngunit mas mainam na ilagay sa iyong Petition for Nullity of Marriage na may kasal na naganap muli sa simbahan at gusto mong ipawalang bisa ang kasal pati na ang naganap na kasalan sa simbanan.
May mga pagkakataon kasi na pati ang kasal sa simbahan (pangalawang basbas ng kasal) ay nairerehistro rin noong mga nakaraang taon ngunit sa kasalukuyan na computerized na ang mga records sa PSA ay hindi na nangyayari na mairehistro pati ang pangalawang kasal sa iisang tao lamang (renewal of vows).
Kahit na ikaw ay isang OFW ay maaari kang magsampa ng Petition for Nullity of Marriage.
Dapat lamang ay may ground o dahilan para ipawalang bisa ito tulad ng wala pala kayong marriage license, o kaya ang existence ng psychological incapacity sa parte niya o sa parte mo o kaya ay pareho kayong walang sapat na kakayanang gampanan ang mahahalagang obligasyon bilang asawa.
Kailangan lamang na umuwi ka sa araw na may hearing kung saan ikaw ay magsasalita sa korte upang patunayan ang mga sinasabi mo sa petition mo.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o 922 0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.