Gustong isahan ang PET

Gustong isahan ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., Supreme Court na siyang tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) kung ang kanyang mosyon noong Hulyo 10, 2017 ang pagbabasehan.

Ito ang alegasyon ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Romulo Macalintal kung saan inilarawan nito na isang uri ng ‘deceiving’ o pandaraya.

Ayon kay Macalintal, noong Hulyo 10, 2017 ay naghain ng mosyon si Marcos sa PET para makolektahan na ang lahat ng mga ballot boxes at iba pang election document sa ‘pilot protest’ nito.

Kabilang sa mga lalawigan na tinukoy ni Marcos sa protesta ay Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental bilang kanyang pilot areas para magkaroon ng manual recount.

Subalit ayon kay Macalintal, sa mosyon na inihain ni Marcos, hindi lamang sa tatlong nabanggit na lalawigan pinapakolekta ang mga ballot boxes at mga election documents kundi sa lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.