Gustong um-aura, misis nang-umit ng damit sa mall

Sa kagustuhang magkaroon ng bagong kasuotan, nagawang­ mang-umit ng mga magagandang damit ang isang ginang sa isang kilalang department store sa Pasay City kahapon.

Sa kulungan ang bagsak ng suspek na si Maria Kristina Allysa Aguirre, 27, walang trabaho at taga-#2016 Electrical Road, Brgy. 191, ng naturang lungsod makaraang arestuhin ng security guard.

Sa ulat ng Pasay City Police, ala-una ng hapon nang arestuhin ng security guard na si Annie Rose Serjas ang suspek sa loob ng SM Department Store Mall of Asia (MOA) sa Brgy. 76, ng naturang lungsod.

Ayon kay Serjas, napansin niya na isa-isang inilalagay ng suspek ang mga damit sa mga istante sa dala niyang katsa na bag at nang mapuno ay dumiretso ito palabas ng store.

Pagsapit sa Exit 6, dito na niya kinompronta ang suspek at hinanapan ng resibo.

Dahil walang maipakitang resibo ang ginang at tinuluyan itong arestuhin ni Serjas.

Agad na dinala ang suspek sa security office bago tuluyang isinuko sa Pasay City Police para masampahan ng kasong Theft sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Sa pahayag naman ng suspek, kaya lamang umano nito nagawang mang-umit ay para maging kaaya-aya ito sa bagong kasuotan. (Armida Rico)