Guwapong aktor dyowa ng mga klosetang bading

PINAGKUKUWENTUHAN sa isang malaking umpukan ang isang guwapong aktor-aktoran na palaging nakakaladkad ang pangalan sa pakikipagrelasyon sa mga sikat na lalaking personalidad.

Madalas kasi siyang nakikita sa gym ng mga miron. Palagi rin siyang naiispatan na nagba-bike sa isang lugar ng mga yayamanin. Kumpleto siya sa gadgets, mapang-agaw ng atensiyon ang kanyang kakisigan, makalawa mo siyang lilingunin.

Sabi ng isang source sa umpukan, “Teaser ang taong ‘yun! Para bang ang bawat action niya, e, nakaplano. Parang sinasadya niya ang paghinto sa matataong lugar para magtanggal ng helmet niya!

“Natural, sa kaguwapuhan niya’t kakisigang ‘yun, magiging choosy pa ba naman ang mga nakakakita sa kanya? E, kung ang mga male personalities ngang hindi lantaran ang kakyondian, e, nahuhulog sa kanya?

“Nagtaka pa tayo, di ba? Ilan na ba ang napapabalitaang nakadyowaan niyang male personalities na pinagdududahang may verdeng dugo? Ang galing-galing niya, di ba?” nakataas ang kilay na litanya ng becking impormante.

Maporma siya, wala naman siyang regular na trabaho, pero hindi siya nagpapahuli sa kung ano ang uso. Magagara ang mga gadgets niya, pormadung-pormado ang bike niya, puro branded stuff ang mga kagamitan niya.

Ang sarap naman ng buhay niya, bonggang-bongga ang lifestyle niya, e, wala naman siyang mga ginagawang projects! Pa-escort-escort lang siya sa mga kilalang personalities sa ibang bansa, pero kita n’yo naman!

May paeklay pa silang hindi magkasama sa trip, pero busisiin n’yo ang background ng mga selfie nila at nasa isang lugar lang naman sila! Nagtatago pa! Para naman siyang pako na nakatago ang katawan, pero kita naman ang ulo niya! Nakakalokah siya, sa totoo lang!” arya naman ng isa pang becking bukelya na ang mga drama ng tisoy na aktor-aktoran.

Ha! Ha! Ha! Ha!

 

Ate Girl bumigay kay Vice

ALIW na aliw ang buong mundo ng telebisyon sa “romansa” nina Vice Ganda at Jackque Gonzaga. Si Ate Girl, dancer ng It’s Showtime, pero biglang nagkapangalan at napansin ng ating mga kababayan dahil sa mga atake nila ni Vice Ganda sa noontime show.

Kakaiba nga naman kasi ang kanilang loveteam. Isang becki at isang babae ang napapanood na naghaharutan sa ere na kinakikiligan naman ng manonood. Ibang-iba ‘yung sa kanila.

Kung makaariba si Vice Ganda ay parang babae nga ang kanyang hanap at hindi lalaki. Kapag naglalapit na ang kanilang mga labi ay maririnig na ang mga sigawan at palakpakan ng studio audience.

Parang asang-asa ang mga ito na maghahalikan nga sina Vice at Ate Girl, kilig na kilig pati ang mga nanonood sa kani-kanilang bahay, kinabog ng tambalan nina Vice at Jackque ang ibang mga tunay na loveteams d’yan.

Nu’ng una ay hindi pa nakikipaglaban sa mga banat ni Vice si Ate Girl. Halatadong mahiyain si Jackque, napakasimple ng dalaga, tawa lang siya nang tawa habang nagtatakip ng bibig.

Pero siguro’y sinabihan siya ng staff ng show, kailangang magpakawala rin siya ng mga banat kay Vice para mas kiligin pa ang kanilang mga fans, si Bela Padilla ang kunwari’y kaagawan ni Jackque sa sikat na becking host.

Sa isang hindi sinasadyang pagkakataon ay dumating ang pagpapala kay Jackque Gonzaga. Hindi niya ‘yun hinanap at pinilit, nagsimula lang ‘yun sa simpleng “Jackque!” na isinigaw ni Vice sa himpapawid, bumalik naman siya habang hawak-hawak ang fish bowl na may lamang mga tanong sa Miss Q & A segment ng show at ‘yun na ang naging simula ng kanilang loveteam.

Hindi nakaligtas sa mga pamba-bash si Jackque. Maraming negatibong komentong ibinabato sa kanya ang mga walang magawa sa buhay. Bakit daw siya ipinipilit kay Vice Ganda samantalang lalaki naman ang gusto ng TV host-komedyante?

Bakit daw siya? Bakit daw siya pinasisikat ng It’s Showtime? Mabait si Jackque, iniiyakan na lang niya ang mga ganu’ng komento, ang nakatanim sa kanyang isip ay wala naman siyang tinatapakan sa kanyang ginagawa.

Bahala na raw si Papa God sa mga taong nananakit sa kanya. Sa mga blessings nga namang dumarating sa kanyang buhay at career na hindi niya naman hinihingi at nagkataon lang ay bakit siya masasaktan at magtatago ng galit sa kanyang puso?

Panahon ni Ate Girl ngayon. Kinaaaliwan siya ng publiko, kinakikiligan ang tambalan nila ni Vice Ganda, pagpapasaya lang ang kanilang hangad at wala silang pagkikunwari na magiging sila sa totoong buhay.

‘Yun lang ‘yun!