Nakapagtataka na kahit lalaking-lalaki ang dating at porma ng isang guwapong male personality ay may mga nadududa pa rin sa kanyang kasarian.
Halos ipagbuyangyangan na nga ng lalaking personalidad ang kanyang katawan pero sige-sige pa rin ang mga kuwento ng pagdududa sa kanyang gender.
Kuwento ng aming source, “Dahil kaya sa kalambutan niyang kumilos? May mga nagsasabi kasi na sa line of work niya, kapag walang masyadong nakatingin sa kanya, e, humuhulagpos ang kalambutan niya.
“Tumitikwas daw ang mga daliri niya. ‘Yun ang pinagbabasihan ng iba, ‘yung mga kilos niyang nakakapagduda,” sabi ng aming impormante.
Pero kung ang kanyang personalidad naman ang babantayan ay lalaking-lalaki ang kanyang pakete. Maraming programa na rin siyang nilabasan na wala namang kaduda-duda ang kanyang mga galaw.
“Kasi nga, alam niyang nasa harapan siya ng mga camera. Makikita talaga ‘yun! Pero ‘yung mga unguarded moments niya ang ginagawang basis ng iba.
“Nu’ng minsan nga sa taping ng isang katatapos lang na serye, e, nagkakatinginan na lang ang mga miron kapag iba ang kilos niya.
“May kakaiba kasi. May bahid ang tingin ng mga miron, kaya lang, e, pinipilit niyang paglabanan,” kontra naman ng isa pang source.
Lumaki ang guwapong male personality na malayo sa piling ng kanyang ama. Mommy lang niya ang sumubaybay sa kanyang paglaki.
“Puwede rin! Di ba, ang mga anak na lumaking walang father figure, e, parang effeminate ang galaw? ‘Yun lang naman siguro ‘yun, kasi, matagal na namin siyang nakakatrabaho, pero wala naman kaming naaamoy sa kanya!
“E, ‘di ang mga becki na sana ang nagsasabing meron, di ba, lalo na ngayong pinagpipistahan ang isang project niya na laplapan kung laplapan sila ng partner niya sa movie? Brusko siya,” pagtatapos ng aming source na dumepensa sa guwapong male personality.
Kahinaan ng mga pulis ‘wag ibato sa serye ni Coco
Todo ang pag-aray ng mga miyembro ng kapulisan na nasasagasaan ang mga tiwaling trabaho sa mga eksena ng matagumpay na FPJ’s Ang Probinsyano.
Nasisira raw kasi ang kanilang imahe dahil sa daloy ng kuwento kung saan ipinakikita ang mga pulis na nasasangkot sa mga katiwalian. Mula sa tagapamuno hanggang sa mga pulis na sumusunod lang sa utos ay ipinakikitang sangkot sa kung ano-anong krimen.
Ayaw nila ‘yun, nadudungisan daw ang pangalan ng mga otoridad, kailangan daw pinuhin ng serye ang kanilang mga atake sa paraang hindi nalalagay sa alanganin ang trabaho ng mga kapulisan.
Napakalinaw naman na fiction ang kuwento ng Ang Probinsyano. Meron pa ngang disclaimer ang programa bago simulan ang palabas na walang tinutukoy na tao o organisasyon ang mga mapapanood na eksena at kung magkaroon man ay hindi ‘yun sadya.
Magpakabalat-sibuyas ba? Ano ang sinasabi nilang nasisira ang kanilang imahe nang dahil sa kuwento ng Ang Probinsyano? Hindi pa ba saksi ang mga balitang ipinalalabas araw-araw sa mga news programs kung saan bumibida ang mga tiwaling kapulisan?
May isang hepe na dapat ay nangunguna sa panghuhuli ng mga adik, pero nahuling siya mismo ang gumagamit ng shabu, Ang Probinsyano ba ang dahilan ng katarantaduhang ‘yun ng hepe?
May dalawang teenager na ni-rape, mga pulis ang sangkot bilang kapalit ng kanilang paglaya, ang serye pa rin bang pinagbibidahan ni Coco Martin ang dahilan ng kanilang kabuktutan?
Hindi lahat ng mga pulis ay tiwali, ipinakikita rin ‘yun sa Ang Probinsyano, pero sa halip na umaray at magmalinis ang mga otoridad na totoong gumagawa ng katiwalian ay linisin muna nila ang kanilang hanay.
Meron o walang Ang Probinsyano ay kailangan nilang patunayan na sila ang tagapagligtas ng mga naaapi at hindi sila mismo ang nang-aapi.
Huwag ibato sa serye ang kanilang kahinaan, ang kanilang mga maling gawain, nakakahiya ang ganyan na para lang linisin ang kanilang imahe ay kailangan nilang sisihin ang kuwento ni Ricardo Dalisay at ng kanyang mga kasamahan.
Sino ba si Cardo? Hindi ba’t isa siyang pulis na hindi na kayang lunukin ang maruming sistema ng lipunan kaya siya namundok at bumuo na lang ng isang grupo para maging tagapagtanggol ng bayan?