Guwapong young actor reklamador

tonite-no-thanks-cristy-fermin
Bulag lang ang magsasabing hindi guwapo ang isang kilalang young actor. Tilad-tilarin man ang kanyang itsura ay walang mali sa kanyang mukha.

Maganda rin ang kanyang bulto, nakikita na ng publiko ang resulta ng kanyang pagdyi-gym, may mga pandesal na siya sa braso at nang-aagaw na ng pansin ang kanyang pinaghirapang palitawing abs.

Halos wala nang hahanapin pa sa kanyang pisikal na anyo, pero ayon sa kanyang mga nakakatrabaho ay marami pang kulang sa kanyang ugali, kung paanong may mga sumosobra rin sa kanyang attitude.

Kuwento ng isang source, “Maaga ring mawawala ang young actor na ‘yun kapag hindi niya binago ang attitude niya. May kaangasan siya. Feeling niya, e, sikat na sikat na siya dahil nagkakaroon siya ng magagandang trabaho ngayon.

“May mga pelikula na siya, napapanood pa siya ngayong sa isang serye, nakapagpapalaki ng ulo ‘yun ng mga personalities na hindi kayang i-handle ang career nila.

“Ang akala kasi nila, e, wala nang katapusan ang mga opportunities, akala nila, e, habampanahon nang maganda ang career nila,” umpisang komento ng a­ming source.

Kalat na ang kuwento ng pagiging reklamador ng young actor. Hindi siya magkandaugaga sa pagtatanong kung ilang eksena pa ba ang kailangan niyang gawin para makauwi na siya.

“Di ba, ‘yun din ang naging dahilan kung bakit siya kinainisan ng production staff nu’ng gumawa siya ng movie? Apurado rin siyang ma-pack-up kasi, meron pa raw siyang commitment?

“Naku, sa dami ng mga nag-aagawan ngayon sa projects ng network kung saan siya nandu’n, huwag siyang magpapabaya, baka bukas-makalawa, e, frozen delight na siya dahil sa pagiging reklamador niya!” huling komento ng aming impormante.

Mother Lily hindi pinapasok sa birthday ni Bong

Napakahigpit ngayon sa PNP Custodial Center. Kung wala ang pangalan mo sa listahang ibinigay ng dadalawin mo ay wala ka nang pag-asang makapasok.

Kahit sino ka pa, kahit gaano ka pa kalapit sa buhay ng nasa loob, basta wala ang pangalan mo sa listahan ay uuwi kang luhaan.

Kapag nakapasok ka naman ay matinding pagrerekisa sa buong katawan mo ang kasunod. Babae ang guwardiyang kuma­kapkap sa mga kababaihang dalaw, meron nang CCTV cameras sa paligid ay talagang matindi pa rin ang pagkapkap sa iyo mula ulo hanggang paa, pati ang dala-dala mong pagkain ay kailangang buksan para tiyaking walang kuwestiyonable sa bitbit mo.

Magagalang naman ang mga guwardiya, ginagawa lang nila ang nararapat, pero kung hindi ka sanay sa ganu’ng kalakaran ay aalma ka. Para kasing butas ng karayom muna ang kailangan mong pagdaanan bago mo makaharap ang dadalawin mo.

Labas-masok kami sa Custodial Center nu’n, pero ibang-iba na ang proseso ngayon, tripleng pagrerekisa na ang ginagawa ng mga guwardiyang nakatalaga du’n.

Sabi ng aming PA na si Tina Roa, “Ate, sobrang higpit na nila ngayon, tatlong pintuan ang pagdadaanan mo bago ka makapasok. May kurtina, du’n ka kakapkapan ng mga babaeng guwardiya.

“Tapos, pati ang ulam na dala mo, pabubuksan sa iyo. Ang buong katawan ko, talagang kinapkapan, grabe ang higpit nila!” kuwento ni Tina.

Nu’ng selebrasyon ng kaarawan ni Senador Bong Revilla ay hindi rin nakapasok si Mother Lily Monterverde. Si Mother Lily na ‘yun, poste na ng industriya ng pelikulang Pilipino, pero hindi pa rin ito pinapasok dahil wala ang kanyang pangalan sa listahan.

Nagpaabot na lang paumanhin sa producer nilang mahal ang pamilya nina Senador Bong at Mayor Lani Mercado na naunawaan naman ni Mother Lily.
Ganu’n.