Guwardiya inatake sa barracks

Inatake habang natutulog ang isang security guard sa barracks ng pinaglilingkuran nitong construction site kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ni PSMS John Charles Duran, imbestigador ng Manila Police District-homicide section, ang biktimang si Ignatius Moya, 35, security guard ng CHP Security Agency at stay-in sa Lualhati Bldg sa Loyola corner R. Papa St. Sampaloc, Maynila.

Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi sa loob ng barracks habang nagpapahinga ang biktima kasama ang kanyang ka-live in na si Jackielou Montealto, 39, kung saan hindi umano mapakali si Moya.

Kasunod noon ay nangisay na lamang ang biktima at maya-maya pa ay tumigil na ang pagtibok ng puso nito.

Sinabi ni Montealto na may sakit sa kidney ang biktima at matagal na itong umiinom ng gamot.

Dinala ang bangkay sa Cruz Funeral para isailalim sa awtopsiya. (Juliet de Loza-Cudia)