Guwardiya kinasuhan sa `online bashing’

Nahaharap ngayon sa patung-pato na kaso ang isang 24-anyos na sekyu matapos itong ireklamo dahil sa `online bashing’ sa Rizal, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Police Major Herbert Ocumen, nakilala ang nireklamong si Vergel Cacho Quijano, residente ng Brgy. Agbannawag, Rizal Nueva Ecija, na gumamit ng Alyas Alexander Velasco Perez sa kaniyang FB account.

Sa reklamo ni Agbannawag Brgy. Captain Carlito M. Iñigo, pawang libelous ang mga banat sa kanya ni Quijano na nai-post sa dummy FB account nito mula Marso 26 sa panahon ng ECQ.

Sa imbestigasyon ni PSMS Marlon Concepcion, binanatan pa si Inigo ukol umano sa Social Amelioration Program cash distribution at binantaang pagkayari ng lockdown ay ilalagay ito sa kabaong. “Binantaan pa si Kap na papasukin ang bahay at pagbabarilin,” saad ni Concepcion.

Nabatid na naglatag ng entrapment si Ocumen sa tulong ng isang babae at napainang makipagkita si Quijano.

Nang isagawa pa umano ang pagkikita ng police asset at salarin noong Martes ng alas-6:00 ng gabi sa Brgy. Poblacion Sur ay doon na inaresto ang suspek. (Jojo de Guzman)