Guwardiya ng bangko tinodas habang hinihintay ang armored car

TODAS ang isang 24-anyos na security guard ng bangko matapos pagbabarilin habang hinihintay ang kanilang armored car sa Barangay Sta. Cruz, Badoc, Ilocos Norte nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ng Badoc Police Station (BPS) ang biktima na si Sherwin Dumadag mula sa Barangay Aring, ng nasabing bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon sa BPS, bago naganap ang krimen ay nakatayo umano ang biktima sa isang waiting shed at hinihintay ang kanilang sasakyan, nang biglang lumapit sa biktima ang dalawang suspek lulan ng isang motorsiklo.

Dito, ang back ride ng motor ang biglang bumunot ng .45 pistol at binaril sa ulo ang biktima.

Agad ng tumakas sa hindi pa malamang direksyon ang mga suspek pagkatapos ng pamamaril.

Samantala, dead-on-arrival sa pinakamalapit na ospital ang biktima dahil sa tinamong dalawang bala ng baril.

Nakita mula sa crime scene ang dalawang basyo ng bala .45 pistol na pinaghihinalaang ginamit ng mga suspek.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng BPS tungkol sa motibo ng pagpatay sa biktima. (Allan Bergonia)