Gwen, lalong minahal ni Jeremy

jeremy-marquez-gwen-zamora
              Jeremy at Gwen

AYAW pa lang ipagsabi nina Jeremy Marquez at Gwen Zamora, pero abala na sila sa preparasyon para sa wedding nila next year.

Ia-announce din ng dalawa ang tungkol dito sa tamang panahon, kaya ayaw muna nilang idetalye.

Ang alam namin ay isa-isa na nilang kinakausap ang mga magiging parte ng entourage, lalo na ang mga Ninong at Ninang sa kasal.

Naka-lunch namin sina Jeremy at Gwen last week at parang lalo pa silang mas naging in love sa isa’t isa.

Mahigit isang taon pa lang ang relasyon nila, pero sure na sure na sila sa isa’t isa.

Last year pa napabalita na ikakasal ang dalawa, na sa isang Instagram post ni Rufa Mae Quinto ay binanggit nito na December 10, 2016 ang wedding date nina Jeremy at Gwen.

Kaibigan ni Gwen si Rufa Mae, na nakasama nito noon sa Bubble Gang.

Hindi sa Disyembre this year magaganap ang nasabing kasalan kundi sa first quarter ng 2017.

May significance sa dalawa ang petsa ng kanilang kasal. Sa isang magandang resort somewhere in the South ang venue ng wedding.

Hindi man pinalad na manalong Vice Mayor si Jeremy sa Paranaque nu’ng nakaraang eleksyon ay abala pa rin ito sa mga bagay na may kinalaman sa pulitika.

May narinig kaming tsika na naghihintay lang si Jeremy ng ibibigay sa kanyang posisyon sa gobyerno.

Last elections ay isa si Jeremy sa masisigasig na tagasuporta ni Presidente Rody Duterte sa lugar nila sa Parañaque.

Todo ang suporta ni Gwen sa kanyang fiancé nu’ng nakaraang kampanya, na feeling namin ay kaya lalo pa siyang minahal ni Jeremy.

Sa Kapuso network napapanood si Gwen, pero may tsikang nag-audition siya for a role sa isang bagong teleserye sa kabilang network.

Wala siyang show ngayon sa GMA kaya hindi siguro magkakaroon ng problema.

Ang ganda-ganda pa rin ng 26-anyos na si Gwen, na ang sabi sa amin ay gusto niya pang makagawa ng maraming pelikula kabilang na ang indie films.

Bongga ang pag-entra noon sa showbiz ng Fil-Italian na dalaga, na bukod sa naging mainstay ng Bubble Gang ay gumanap na asawa ni Vic Sotto na si Faye Kabisote sa tatlong Enteng Kabisote movies.

Alam ni Jeremy na mahal ng mapapangasawa niya ang showbiz at meron itong potensyal bilang aktres kaya hindi niya ito pahihintuin sa pagtatrabaho kapag ikinasal na sila.

Ang totoo ay suportado ni Je ang showbiz career ni Gwen dahil bata pa ito at naniniwala siyang marami pa itong puwedeng ipakita at ibigay bilang isang artista.

Last year pa ‘yung huling drama series ni Gwen sa GMA na My Mother’s Secret isa siya sa mga bida.