Gwen, nagulat sa Luna

Gwen Zamora

IKINAGULAT at ikinagalak ni Gwen Zamora na nominado siyang Best Actress sa 2016 Luna Awards ng Film Aca­demy of the Philippines para sa indie film na Apocalypse Child.

Ito ang first Best Actress nomination ni Gwen, pero nominated din siya ths year sa Gawad Urian for the same movie, sa kategoryang Best Supporting Actress.

Dyowa-dyowaan ng mayor (RK Bagatsing) na nakipag-affair sa isang bum na surfer (Sid Lucero) ang role ni Gwen sa Apocalypse Child na dinirek ni Mario Cornejo.

May mapangahas na love scene sila rito ni Sid sa isang lamesa. Nakadamit si Gwen pero nagbaba ng pantalon si Sid, naglabas ng puwet at may pumping motion habang nakapatong ito sa kanya.

Kuwento ni Gwen, the whole day ay ‘yun lang ang kinunan nilang eksena dahil nu’ng una ay ala­nganin sila kung paano gagawin ang love scene.

After nilang mag-break nu’ng umaga at tanghali ay si Gwen ang nag-suggest na gamitin nila ang mesa para kakaiba ang eksena.

Aniya, lahat kasi ng mga karakter sa movie ay may bed scenes at lahat sila ay may kanya-kanyang quirks.

Si Sid ay sensual ang love scenes sa kama sa co-star nilang si Annicka Dolonius.

‘Yung kina Gwen at Sid ay may halong anger dahil hindi nila mahal ang isa’t isa. Kaya kakaiba ang lampungan nila.

Ayaw ni Gwen sa sahig, so sa ibabaw na lang ng lamesa.

‘Yung actual love scene ay two minutes lang kinunan, mas matagal silang nag-isip at nag-prepare para rito.

Ayaw ni Gwen na mapanood ng fiance niyang si Jeremy Marquez ang pelikula.

Naiintindihan niya na baka magselos ito, kaya mas mabuting huwag na lang nitong makita.

Gusto pa ring gumawa ni Gwen ng maraming pelikula lalo na indie films na magaganda, kahit ikasal na sila ni Jeremy next year.

Enjoy din ang 26-anyos na dalaga sa teleserye, pero mas gusto niya ang pelikula, lalo na ‘pag dumating ‘yung panahon na may mister na siyang naghihintay sa kanya sa bahay.

Wala na sa Artist Center si Gwen at patapos na ang kontrata niya kay Ronnie Henares.

Freelancer na siya, so puwede siyang lumabas kahit sa ABS-CBN kung may chance.

My Mother’s Secret (2015) ang last show ni Gwen sa GMA. Bukod sa pelikula ay gusto rin ng Fil-Italian beauty na si Gwen na subukang mag-stage play.

Sa Linggo (September 18) ang 34th Luna Awards sa Quezon City Sports Plaza kung saan makakatunggali ni Gwen sa Best Actress sina Dawn Zulueta (The Love Affair), Bea Alonzo (The Love Affair), Angelica Pa­nganiban (That Thing Called Tadhana) at Meryll Soriano (Honor Thy Father).