Sinamang-palad na masawi ang tatlo katao, kabilang na ang isang paslit, matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang habal-habal na motorsiklo sa isang backhoe na nakaparada sa gilid ng kalsada habang bumubuhos ang ulan sa Aurora, Zamboanga del Sur kamakailan.

Kinilala ang mga biktima na sina Elizer Engliza, 45-anyos; Ciela Tariman, 41-anyos; at ang pamangkin nitong si Myriel Quino, 1-taong gulang, pawang residente ng Puro Assumption, Brgy. Inasagan ng nasabing bayan.

Kusang-loob namang sumuko sa himpilan ng pulisya ang backhoe operator na si Cresencio Tanghal Jr. ng Rudhil Construction & Enterprises Inc.

Ayon kay Chief Inspector Helen Galvez, tagapagsalita ng Zamboanga Police, naganap ang sakuna dakong alas-tres ng hapon sa tabing-kalsada sakop ng Brgy. Inasagan.

Sinabi ni Tanghal na ipinarada niya sa tabing-kalsada ang backhoe at huminto sa pagtatrabaho dahil sa maulan nang oras na iyon.

Nabatid na dumaan sa lugar ang habal-­habal na minamaneho ni Engliza kung saan pasahero nito si Tariman at ang pamangkin na si Quino galing ng bayan at pauwi na sana ng kanilang bahay, nang aksidenteng sumalpok sila sa nakaparadang backhoe.

Mabilis namang naisugod sa Aurora Community Emergency Hospital ang mga biktima pero binawian din ng buhay ang mga ito habang ginagamot.

Sasampahan ng kaukulang kaso si Tanghal na nakakulong ngayon sa Aurora Municipal Police Station.