Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang naunang hatol ng Court of Appeals (CA) Cagayan de Oro na reclusion perpetua laban sa isang lalaki na gumahasa sa kanyang anim na taong gulang na anak noong Disyembre 15, 2002.
Bukod dito, sa ruling na sinulat ni SC third division Senior Associate Justice Jose Portugal Perez, inatasan nito si Cerilo ‘Iloy’ Ilogon na bayaran ang biktima na ngayon ay 20-anyos na ng halagang P100,000 civil indemnity at P100,000 moral damages.
Nabatid na napatunayang pinagsamantalahan ng akusado ang kanyang anak habang nakikipaglaro ito sa kanyang mga pinsan sa bahay ng kanyang tiyahin.
Sinasabing tinakpan ni Ilogon ang bibig ng anak, hinubaran ng damit, hinalikan at ginahasa.
Una nang hinatulan ng Regional Trial Court ng Cagayan de Oro ng parusang kamatayan ang akusado pero dahil naamiyendahan ang parusang kamatayan, ibinaba sa reclusion perpetua ang hatol sa akusado. Hindi rin ito kuwalipikado na mabigyan ng parole.