‘Hacking’ sa CP ni Bistek inalmahan

Ikinagalit ng mga re­sidente sa Lungsod ng Quezon ang nangyaring ‘hacking’ sa personal na cellphone ng kanilang alkalde na si Herbert ‘Bistek’ Bautista at ginamit upang magpakalat ng maling impormasyon.

Gayunman, ayon sa mga residente, hindi naman sila naniniwala sa mga natanggap nilang mensahe mula sa na-hack na cp numbers ni Bistek na nag-eendorso kung sino ang dapat nilang suportahan sa pagka-alkalde sa dara­ting na halalan sa 2019.

Kasabay nito, kinondena ng mga taga-lungsod ang mga responsable sa pagsira sa re­putasyon ng kanilang alkalde kasabay ng pana­wagan kay Bautista na huwag iiwan ang politika at ipagpatuloy ang pagtulong sa bayan.

Anila, dahil sa pamumuno ni Bautista sa Quezon City ay itinanghal na pinakamayaman ang lungsod sa buong Pilipinas na may nakolektang buwis ng mahigit P18 bilyon, (P18,539,297,881.68), ayon kay Noel Adrias ng Office of the QC Treasurer.

Nabatid sa ulat na hindi naman nawawala ang cellphone ni Bistek na regular na gamit nito at nagtataka siya kung papaano ito nakapagpakalat ng mensahe kung sino ang kanyang iniendorso na napipisil niyang pumalit sa kanya bilang alkalde ng Quezon City.

Sa news forum sa Camp Karingal, iginiit ng alkalde na imbestigahan ng QCPD Anti-Cyber Crime team ang security breach sa kanyang mobile phone.