Hinimok ni Senadora Nancy Binay ang mga ahensiya ng gobyerno na simulan ang kanilang kampanya sa pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa mga plano at proyekto ng pamahalaan sa posibleng epekto ng El Niño.
Ito’y matapos ianunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang posibleng pag-usbong ng El Niño sa weather condition na nararanasan ngayon ng bansa.
“Dapat pong malaman na ng publiko ang plano at programa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kung paano nito mababawasan ang epekto ng El Niño sa ating bansa,” sabi ni Binay.
Bukod sa manganganib ang seguridad sa pagkain, sinabi ni Binay na makakaapekto rin ang El Niño sa mga alagang hayop tulad ng manok at baboy at maging ang paglaganap ng sakit sa mainit na panahon.
“Alam din po nating may epekto ang El Niño, hindi lang sa pagsasaka, kundi pati na rin to those raising food animals such as chickens and pigs, so apektado ang ating food security. May mga sakit din pong lumalabas kapag mainit ang panahon, so dapat pong malaman kung paano ito maiiwasan o malulunasan sakaling magkaroon,” ani Binay.