Walang kamalay-malay ang Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon at maging sa Visayas at Mindanao na nakataas na pala ang public storm signal no. 3 kahapon pa ng umaga sa mga lalawigan ng Quirino, Isabela at hilagang bahagi ng Aurora.
Eh kasi naman, tirik na tirik at napakainit ng araw dito sa Metro Manila hanggang makapananghali kahapon nang iulat ng Pagasa na nananalasa na nga ang bagyong Rosita.
Pero bahagya raw itong humina pagpasok sa Philippine area of responsibility (PAR) dahil sinalubong ito ng hanging amihan. Mainit daw kasing bagyo itong si Rosita kaya nakontra ng lamig ng amihan ang puwersa nito.
Gayunpaman, sa babala ng Pagasa ay maulan daw itong si Rosita at malawak ang sakop. Kaya kahit tatlong probinsya lang ang pinupuntirya ng mata nito ay umabot pa rin sa 14 lugar ang sinakop ng public storm signal no. 2.
Ito ang mga panahon na bukod sa kahandaan at pagiging alerto ay idadaan na lamang sa pananalangin na sana naman ay hindi gaanong makapaminsala ang bagyong Rosita.
Lalo’t ganitong magpa-Pasko. Isang bagay na pinakaiiwasan ay mga sakuna at kalamidad.
Bagama’t tila hindi masyadong napagtuunan ng pansin ng publiko itong si Rosita, sana naman ay handa ang mga ahensiya ng gobyerno sa kanya.
Gaya ng palaging inaasahan ng taumbayan, dapat ay mabilis ang pagdating ng saklolo mula sa gobyerno. Walang puwang ang petiks na galawan.
Sa ngayon ay walang magagawa ang sambayanan kundi ang kumapit sa awa ng Panginoon at abangan ang mga ulat mula sa mga lugar na kasalukuyang sinasalanta ng bagyo.