hidilyn-diaz-family
MABUHAY! — Si Hidilyn Diaz, suot ang silver medal na napanalunan sa Rio, nang salubungin ng mga magulang na sina Emelita at Eduardo paglapag ng bagong sports hero ng Pilipinas sa NAIA 3 kahapon. (Jhay Jalbuna)

Tulad ng inaasahan, binigyan ng hero’s welcome si Filipina weightlifter Hidilyn Diaz nang dumating sa bansa kahapon kuwintas ang silver medal na binuhat sa Rio Olympics.

Lumapag sa NAIA Terminal 3 alas-5:35 ng hapon ang grupo ni Diaz, 25, sakay ng Emirates Air flight EK 332 mula sa 25-hour flight galing Brazil.

Si Hidilyn ang first Filipina na nakasungkit ng medalya sa quadrennial games, una rin ng Pilipinas pagkatapos ni Onyok Velasco sa boxing noong 1996 Atlanta Games.

Sinalubong siya nina Philippine Sports Commission chairman Butch Ramirez at Sen. Sonny Angara.

Dumiretso si Hidilyn sa naghihintay na ama’t inang sina Eduardo at Emelita, nag-iyakan ang tatlo.

Sinundo ng private plane ni Manny V. Pangilinan ang mga magulang ng silver girl mula Zamboanga City.

Tumuloy ang grupo sa kalapit na hotel, at doon nagkaroon ng sandaling press conference.

Sinabi ni Hidilyn na hindi muna siya magre-retiro, parang kulang ang silver na nakuha sa Rio at ngayon pa lang ay nakatanaw na sa susunod na edisyon ng Olympics sa Tokyo sa 2020.

“Parang ayoko na muna mag-retire,” pakli ni Hidilyn, 25, tatanggap ng P5 million cash incentive at house and lot.

“Tokyo (Olympics) po,” mabilis niyang sagot nang matanong kung ano ang susunod sa career.

Silver sa 53kg division ng women’s weightlifting sa Rio, iginiit ni Hidilyn na hahabulin niya ang mailap na ginto sa Tokyo.

“Siguro hindi na ako papayag na silver lang. Gusto ko gold,” giit niya.

Bago mag-alas-otso kagabi ay tumulak patungong Davao si Hidilyn at mga magulang para mag-courtesy call kay Pangulong Duterte. Pagkatapos nito ay uuwi na sila ng Zamboanga. (With Otto Osorio)

2 Responses