Nagpaalam lamang umanong ibibenta ang kanyang cellphone para maka­bili ng pagkain sa hapunan ang kanyang mag-iina ang isang padre-de-pamilya, pero hindi na ito nakauwi ng buhay matapos tadtarin ng bala sa iba’t ibang baha­gi ng katawan sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Alfredo Valdueza, mas kilala sa Alyas Edong, 34, may asawa at residente ng Congressional Avenue, Brgy. 173 na nasa likuran lamang ng University of Caloocan City (UCC)-North.

Sa ulat ng Caloocan City Police, ganap na alas-siyete ng gabi nang magpaalam sa kanyang misis na si Divina Valdueza ang biktima na maghahanap lamang umano ng buyer ng kanyang cellphone upang may makain sila sa hapunan. Pinayagan naman siya ng kanyang misis kaya agad itong umalis.

Ngunit hindi pa nakakalipas ang isang oras ay isang kapitbahay nila ang nagtungo sa kanilang bahay at sinabing natagpuan ang kanyang mister na patay na at tadtad ng tama ng bala, hindi kalayuan sa kanilang lugar.

Sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Ope­ratives (SOCO) ay hindi umano bababa sa apat na cartridges mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril ang natagpuan malapit sa labi ng biktima.

Ilang mga residente naman sa lugar ang nakapagsabi na sangkot umano sa iligal na kalakaran ng illegal drugs ang biktima, bagay na kinukumpirma pa ng mga awtoridad dahil wala naman umano ito sa kanilang drug watch list.

Sa ngayon ay patuloy pa ring nagsasagawa ng imbes­tigasyon ang mga kinauukulan at inaalam na rin kung sino ang nasa likod ng nasa­bing pagpatay at kung ano ang posibleng motibo nito sa pagpatay.