Mistulang naramdaman ng isang 38-an­yos na mister ang kanyang kamatayan dahil habang naglalakad pauwi kasama ang pamilya ay nagmadali umano ito sa pag­lalakad, kung saan ay pinagbabaril ito hanggang sa mapatay ng hindi kilalang suspek sa Brgy. Holy Spirit, sa Quezon City.

Sa report ni PO3 George Caculba ng Cri­minal Investigation Detection Unit (CIDU) may-hawak ng kaso, nakilala ang nasawi na si Ramilo Andes y Basar, jobless ng 1st St., BF Road, Barangay Holy Spirit.

Base sa imbestigasyon ni PO3 Cacul­ba, nangyari ang insidente dakong alas-singko ng hapon sa kahabaan ng Saint Joseph St., kanto ng Alley 2, Brgy. Holy Spi­rit, Quezon City.

Pauwi ng bahay ang pamilya Andes at kasama ng biktima na naglalakad ang kanyang nanay na si Mercedita Andes-Basar, tiyahing si Weena Alamo y Andes at anak na si Ma­xine nang nagmamadali itong mauna kaya’t naiwanan ang kanyang pamilya.

Subalit ilang minuto lang umano ay nakarinig­ ng mga putok ng baril ang kanyang mga kaanak sa unahan ng daan.

Bagama’t nahintakutan ay nagmadali sa pag­lalakad ang tatlo hanggang sa tumambad sa kanila ang nakabulagta na si Ramilo na naliligo sa sariling dugo dahil sa tinamong maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Ayon sa pamilya, ngayon lang umano nila naisip kung bakit nagmamadali at iniwanan sila sa paglalakad ng biktima.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) sa crime scene, narekober ang 10 piraso ng basyo at anim na piraso ng tingga ng bala.

Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU kaugnay sa nasabing krimen at wala pa rin umanong masabing dahilan ang pa­milya Andes kung ano ang motibo sa pamamaslang sa biktima dahil hindi rin umano ito sangkot sa ilegal na droga.