Hakbang ng Benguet vs dengue: Huwag magpalda ‘pag tag-ulan

Dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue, hiniling ng pamahalaang lokal ng Benguet ang pagsuspindi ng lahat ng mga paaralan sa elementarya at sekondarya sa lalawigan sa paggamit ng mga babaeng estudyante ng unipormeng palda.

Ayon kay Benguet Governor Melchor Diclas, tumaas ang bilang ng mga biktima ng dengue sa kanilang lalawigan kung saan aabot na sa tatlo ang namatay dahil sa nasabing sakit ngayong taon.

Nakasaad sa kanyang Memorandum Circular No. 04 Series of 2019, ang pag-utos ni Diclas sa lahat ng mga public school district supervisor at principal na suspindehin muna ang pagsuot ng skirt school uniform sa lalawigan tuwing panahon ng tag-ulan o mula Hunyo hanggang Oktubre bawat school year.

Batay ang kautusan sa rekomendasyon ng Provincial Health Office.

Sinabi ni PHO officer Nora Ruiz na mas maganda ang pagsuot ng pantalon sa mga babaeng estudyante para makaiwas sila sa kagat ng lamok na nagdadala ng dengue virus para hindi na madagdagan pa ang kaso ng dengue sa Benguet.

Batay sa datos mula Enero 1 hanggang Hunyo 15 ngayong taon, tumaas ang bilang ng mga tinamaan ng dengue sa Benguet na umabot ng 451 katao, mas mataas ng 30.34 percent kumpara sa 346 kaso noong 2018.

Nakasaad sin sa memo ni Diclas ang pagsasagawa ng regular na school activity para mapuksa ang lahat ng posibleng pinamumugaran ng mga lamok sa lahat ng sulok ng mga paaralan. (Allan Bergonia)