Dear Dream Catcher,
Napanaginipan ko po ang boyfriend na nakikipaghalikan sa ibang babae. Hindi po niya akong nakita. Sobrang sama po ng loob ko pero hindi ko raw siya sinugod at napaiyak na lamang ako sa kinatatayuan ko. Paggising ko para tuloy akong nagduda na baka kinakaliwa nga ako ng boyfriend ko. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko.
Aura
Dear Aura,
Ang panaginip sa halik ay tumutukoy sa pagmamahal lalo na kung ikaw ang nakikipaghalikan. Pero sa iyong panaginip, ang boyfriend mo ang nakita mong nakikipaghalikan sa iba at ang ganitong panaginip ay indikasyon na masyadong napopokus ang iyong atensyon sa boyfriend mo.
Ang bahagi ng iyong panaginip na pinanood mo lamang ang boyfriend mo at hindi mo siya nilapitan ay nagpapakita ring masyado mong binabantayan ang bawat galaw ng boyfriend mo. At posibleng ito’y dahil nakakaramdam ka ng insecurities sa inyong relasyon.
Maaaring kapag gising ka ay hindi mo naiisip na nai-insecure ka sa takbo ng inyong relasyon pero maaring ito ang sinasabi ng iyong subconscious. Sa likod ng iyong isip, maaaring natatakot kang lokohin ka ng boyfriend mo.
Sinabi mo ring paggising mo ay parang nakaramdam ka ng pagdududa kaya malinaw na iyon nga ang laman ng subconscious mo.
Alalahanin lamang na hindi healthy para sa iyo na mapokus nang husto sa iyong karelasyon. Mas dapat mong mahalin at isentro ang isip mo sa sarili mo.
Ipinapaalala ng iyong panaginip na bawasan mo na masyado ka nang nakasentro sa boyfriend mo at sooner or later ay ikaw rin ang mahihirapan kapag dumating ang puntong binabantayan mo na ang bawat kilos niya. Love yourself, ika nga at ‘wag paikutin ang buhay sa iyong relasyon. I-enjoy mo lamang ang inyong relasyon at ‘wag i-stress ang sarili sa pag-iisip ng mga negatibong pangyayari.
Dream Catcher
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.