Halos 45M ‘isusuka’ ni Ingram, Rondo, Paul

Hindi pa nakakaisang linggo ang regular season ng 2018-19 NBA, tatlong high profile players na agad ang nasuspinde dahil sa pagkakasangkot sa gulo.

Four games ang suspension kay Brandon Ingram ng Los Angeles Lakers, three-game suspension sa teammate niyang si Rajon Rondo. Two games na hindi makakalaro si Chris Paul ng Houston.

Pare-parehong without pay ang tatlo.

Ayon kay Bobby Marks, Front Office Insider ng ESPN, aabot sa $158,817 ang mawawala kay Ingram, $186,207 kay Rondo. Si Paul ay mawawalan ng $491,781. Sa kabuuan, aabot sa $836,805 (P44,945,214) ang isusuka ng tatlo. Ibinase ang kaltas sa total salary ng players involved.

Noong nakaraang season, nagkaroon din ng insidente ng away sa ilang laro at nagbagsak ang NBA ng suspension mula 1 hanggang 2 games.
Si Orlando wingman Arron Afflalo ay sinuspinde ng dalawang laro dahil sa pananapak kay Minnesota forward Nemanja Bjelica noong January.

Unang buwan ng taon din binigyan ng tig-isang larong suspension sina Serge Ibaka ng Toronto at James Johnson ng Miami nang magsuntukan sa isang mainitang laro.

One-game suspension ang parusa kay Washington forward Kelly Oubre Jr. nang sapakin at pabagsakin si Boston center Kelly Olynyk sa Game 3 ng Eastern Conference semifinals noong May 2017.