Pasko na naman. Maraming pagkain ang inihahain sa mesa lalo na ang hamon na swak sa panahon ng Kapaskuhan.
Maraming klase ng ham, may spiced ham, pineapple ham, hamon na may keso de bola at iba pa pero hinay-hinay lang sa pagkain ng ham dahil nakasasama din ito sa kalusugan.
Alam n’yo ba ang ham, tulad ng bacon, hotdogs, tocino o longganisa ay mga pagkaing processed foods? Alam n’yo bang ang pagkain ng processed meat ay may malaking sintomas ng pagkakaroon ng cancer, heart disease at diabetes.
Base sa pag-aaral ng mga researcher ng Harvard School of Public Health, nasa mahigit 110,000 katao na kumain ng ilang piraso ng bacon o isang hotdog sa isang araw ay tumaas ang kanilang mortality rate ng 20 percent sa loob ng 20 taon.
Ang isang maliit o three-ounce serving of red meat sa loob ng isang araw ay nagpapataas ng mortality rate ng 13 percent o dili kaya ay mataas ang tsansang maagang mamatay dahil sa pagkakaroon ng mga sakit.
Kasabay nito ang pag-aaral sa pagkain ng karne ng manok o gulay bilang kapalit ng processed foods.
Base pa sa pag-aaral, tinutukan nila ang pagkonsumo ng red meat, lalo na ang processed meat na base sa kanilang pag-aaral ay premature death ang kahahantungan nito. Ngunit ang pagpili ng mas masustansyang klase ng protina kapalit ng red meat ay nakapagpapababa ng tinatawag na chronic disease morbidity at ang maagang kamatayan.
Hindi naman po nakasasama ang pagkain ng processed foods basta limitado lamang sana ang pagkain at mas mainam na mas tangkilikin na lamang ang mga pagkain na sariwa. (Vick Aquino)