Marami ang nagulat sa pitong panalo ng mga kabayo ni Atty. Narciso Morales sa loob ng 13 karerang pinaglabanan nitong Linggo sa Metro Turf.
Unang bugso pa lang ng limang karera, agad pinaulanan ng panalo ng mga kabayo ni Atty. Morales na sina Honeywersmypants, Mandolin, Hook’s Princess, Pampagueno, at heavy favorite Taipan One.
Pagbaligtad ng programa ay nakasungkit uli siya ng dalawang panalo sa Race 8 sa kabayong si Ultimate Royal at sa Race 10 sa dehadong Tellmamailbelate.
Record na maituturing itong pitong panalo ng isang horse owner sa 13 karerang binitiwan (kumporme na lang kung may mailabas na official record ang mga awtoridad) kaya sobra ang kasiyahan ni Atty. Morales sa achievements ng kanyang mga kabayo.
Ipinahayag ng kanyang tagapagsalita o representative na si Reli de Leon na labis na natutuwa si Atty. Morales kaya nagbitiw ito ng magandang hamon at papremyo sa sinumang makakasira ng naturang “record” niya noong Linggo.
Ang sabi ni Reli, sinumang horse owner na makapantay sa limang sunod na panalo at total na 7 panalo ay bibigyan ni Atty. Morales ng P1-million papremyo. At ito’y cash!
Kung sakali naman mabi-break ng isang horse owner ang record, ayon pa rin kay Reli, P2-million cash ang mapapasakamay nito kapag nakapaglista siya ng limang sunod na panalo at total na 8 panalo sa isang Sunday race!
Magandang hamon ito sa sinumang horse owner at malaking balita ito sa industriya na medyo ‘inaantok’ na sa dalang ng magagandang balita.