Isang malaking dagok sa Armed For­ces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police ( PNP) ang pinakahuling naganap na kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu.

Tinatayang 20 ang patay at mahigit sa 81 katao ang nasugatan sa nasabing pagsabog.

Tila hinahamon ang kakayahan ng AFP at PNP ng mga grupong responsable sa nasabing pagsabog.

Ang pinakamasaklap dito ay mayroong umiiral na batas militar sa buong Min­danao nang mangyari ang pagsabog.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nagyaring pagsabog habang may umiiral na Martial Law na ang buong akala ng lahat ay hindi na mauulit at mas maghihigpit ang militar at pulis­ya laban sa anumang karahasan.

Dapat ay sa lalong madaling panahon ay matukoy at mapanagot ng mga awtoridad ang responsable sa nasabing pagpapasabog na ikinamatay at ikinasugat ng mara­ming tao.

Ang buong paniniwala ng lahat na ang pag-iral ng batas militar sa Mindanao ay makakapigil sa anumang karahasan
Hindi naman lubos na masisi ang militar at pulisya na malusutan sila pero sa mga naunang pagsabog nagkaroon na ng mas mabigat na aksiyon ang gobyerno.

Lumilitaw na hindi garantiya sa kapa­yapaan at kaligtasan laban sa karahasan ang Martial Law.

Dahil dito ay kailangan din mismo ang sibilyan na magbantay sa kanilang paligid upang magsilbing mata ng mga awtoridad at matiyak na hindi na mauulit ang nasabing karahasan.

***
Huwag na nating hayaang manaig ang masasamang loob magtulung-tulong tayo upang mahadla­ngan ang mga ganitong uri ng karahasan.

Alam naming tungkulin ng mga awtoridad na pangalagaan ang ating kaligtasan nating lahat, pero sa laki ng problema natin sa kakulangan ng mga pulis at sundalo hindi nila kakayaning bantayan tayong lahat.

Kaya tayo-tayo na ang magbantayan at agad nating ipaalam sa mga kinauukulan ang anumang masasamang-loob na ating mapapansin bago pa man sila maghasik ng lagim.