Mabigat at tila imposible ang hinihingi ng Panginoon sa Ebanghelyo (Lc 6: 27-38) ngayong ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon tungkol sa pagpapatawad. Isang hamon sa ‘radikal’ na pag-ibig ang paanyaya ni Hesus ngayong araw sa tanan.

Malinaw ang utos ng Panginoon sa kanyang mga alagad: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at idalangin ang mga umaapi sa inyo.”

Mahirap marahil tanggapin ang mga pangungusap ni Hesus, gayunman ito ang kailangan ngayon at solusyon sa napakaraming kaguluhan, away at problema sa mundo na nabubuhay ayon sa paniniwalang “Lintik lang ang walang ganti!”

Ang pagsunod sa mungkahi ni Kristo ukol sa pagmamahal at pagpapatawad sa kapwa lalo na sa mga gumagawa ng masama sa atin saad ng Simbahan ang siguradong daan sa kapayapaan; at sa kasaysayan, paulit-ulit na natin itong napatunayan.

Nilinaw ni He­suKristo sa kanyang mga tagapakinig na ang magmahal at magpatawad tulad ng Diyos ang magsisilbing ‘tatak’ ng kanyang mga disipulo. Siya mismo ang nagturo sa kung paano magpatawad nang ipako sa krus ng kanyang mga kaaway.

Malaking hamon ang ehemplong ipi­namalas ni Hesus sa atin na araw-araw ay humaharap sa poot, galit, paninira, ka-traidoran at tratong masama ng mga nakapaligid at inggit sa atin; maaaring ‘insulto’ ito sa mga biktima ng karahasan at kahalayan ng mundo.

Hindi nga ‘natural’ o madali ang magpatawad lalo na sa mga nananadya. Gayunman, nananatili ang ‘utos’ ng Panginoon sa kanyang mga alagad na maging seryoso sa pagiging tunay na mga anak ng Kataas-taasan at sumampalataya sa paghahari ng pag-ibig sa mundo.

Ang walang-maliw na pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan giit ni Hesus ang magtutulak sa atin sa pag-ibig upang intindihin at akapin ang kasalanan, pagkukulang at kahinaan ng mga nagkasala sa atin. Dahil mahal ng Ama kahit na ang mga hindi nagmamahal sa Kanya, dapat tayo din!

Mamahalin din natin kahit ang mga nagkulang o nagma­labis sa atin sapagkat gan’un magmahal ang Diyos. Mahalaga sa Kanya kapwa mabuti at masama. Pinaha­lagahan Niya tayo sa gitna ang ating pagi­ging makasalanan at sitwasyon bilang Kanyang mga ‘kaaway’. (Cfr. Rom 5:8)

Turo ng Simbahan, ‘imposible’ talaga ang kahilingan ng Panginoon at paayaya sa ‘radikal na pagmamahal’ kung walang tulong ng grasya. Sa tulak ng biyaya ng Diyos lamang natin maaalpasan ang ‘na­tural na inklinasyon’ na kamuhian at durugin ang ating mga kalaban. Dahil wala sa bokabularyo ng Diyos ang salitang ‘imposible!’

Sa araw na ito, mapagpakumbaba nating hilingin sa Poon ang kaluwagang-loob na magpatawad at magmahal sa mga nakasakit sa atin, habang inilulubog ang sarili sa ‘dagat’ ng Kanyang awa.

“Keeping before the eyes of our hearts the love of Jesus Christ on the Cross, let us open our hearts to the Holy Spirit who gives us the grace to love and forgive,” paanyaya ng Simbahan sa lahat.