Makabubuting tutukan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tunay na utak sa halos isang bilyong investment scam na umano’y naganap sa loob ng isang casino sa Parañaque matapos lumutang ang ilang mga nagpapakilalang biktima ng nasabing modus. Giit ng abogadong si Ronald Renta, hindi dapat sayangin ng NBI at ng iba pang law enforcement agencies ang tambak na ebidensiya na nagtuturo sa isang nagngangalang “Marlon” na siya umanong hinihinalang nasa likod ng scam.
Para sa mga hindi nakakaalam, si Renta ay abogado ni Raymond Galang na kamakailan ay inaresto ng NBI sa loob ng isang casino dahil sa kasong attempted estafa kaugnay sa nasabing scam. Giit ng abogado, walang bitbit na warrant ang mga umaresto sa kanyang kliyente. Matapos ang inquest proceeding, si Galang ay pinayagang makapaglagak ng P2,500 bail ng Paranaque City Prosecutor’s Office para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sabi ng kanyang abugado, ikinalungkot ni Galang ang naganap na iskandalo nang siya ay sapilitang arestuhin at kaladkarin ng grupo ng NBI-Special Task Force (STF) sa loob ng casino noong Oktubre 8, 2019. Ayon kay Renta, nagkaroon umano ng komosyon sa loob ng gusali dahil ang isinagawang pag aresto kay Galang ay “‘di alinsunod sa patakaran ng batas at kawalan ng koordinasyon sa security office ng nasabing casino.”
Ang nasabing insidente ay nagdulot umano ng labis na kahihiyan at depresyon na dinaranas ng buong sambahayan ni Galang bunga na pag-aresto sa huli.
Labis din ang pagkakadismaya ni Galang sa GMA-7 sa pagsasahimpapawid nito ng balita na ibinase lamang sa umano’y mga nagpapakilalang biktima ng scam. Hindi raw kinuha ng network ang kanyang side noong siya ay nasa kustodiya ng NBI.
Binanggit ni Renta na sinubukan nilang kausapin at sulatan ang pamunuan ng network upang linawin ang isyu at ipaliwanag ang kanilang panig subalit wala silang nakuhang sagot. Ang network ay may slogan pa naman na “Walang Kinikilingan, Walang Pinoprotektahan, Walang Kasinungalingan.”
Naniniwala ang panig ni Galang na mayroong ilang mga personalidad sa likod ni “Marlon” na umano’y gumagamit ng poder at kapangyarihan upang iwasan ang kanilang mga responsibilidad sa kani-kanilang investor. Nag-ugat ang kaso sa panghihikayat sa mga indibidwal na nagnanais na kumita ng humigit kumulang sa 15 porsiyentong tubo kapalit ng pag-papautang ng kanilang salapi.
Bukas ang inyong lingkod sa anumang pahayag mula sa NBI at ng nasabing network.