Mahigpit ngayong binabantayan sa Baguio City Health Service Office (BCHSO) ang kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) matapos makitaan na nagpositibo ito sa isang mag-aaral sa isang day care center sa Baguio City.

Naalarma ang mga taga-BCHSO nang sinabi ni Barangay Camp Allen chairperson Maribel Estacion na isang pupil ng Camp Alley Day Care Center ang dinala sa ospital dahil sa lagnat at mga pantal sa balat ng katawan nito.

Base sa report, sinabi ng BCHSO at ng ospital na positibo umano ang batang biktima ng HFMD sampung araw na mula nang isugod sa pagamutan, ayon sa mga medical expert.

Dahil dito’y nababahala si Estacion na dahil sa nangyari ay maaaring mahawa ang iba pang kaklase ng bata sa sakit na HFMD.

Nauna rito’y tatlong mag-aaral ng San Roque Day Care Center sa nasabing lungsod ang unang napabalitang nagpositibo sa HFMD na nagresulta sa pagsuspinde sa klase ng nasabing center sa loob ng 10-araw.

Ipinapaalala naman ng BCHSO na ang HFMD ay isang nakakahawang sakit mula sa maruming kapaligiran na karaniwang bumibiktima sa mga batang edad lima pababa kung saan karaniwang sintomas nito ay lagnat, mouth sores at mga pantal sa balat. (Allan Bergonia)