Tingnan n’yo nga naman, mga tsong, aba’y makakasabay na naman natin at makikipag-unahan sa mga sakayan ang mga kabataang nakaunipormeng pang-eskwela.
Mangungulit na naman sina nanay sa paggising sa mga anak.
Ang masaklap lang nito, mukhang masasabay din sa pasukan ang deklarasyon ng PAGASA na tapos na ang tag-init at simula na ng panahon ng tag-ulan.
At dahil naging maigsi ang panahon ng tag-araw, dapat sigurong pag-aralan ng DPWH ang ginagawa nilang mga road repair at pagbubungkal ng mga kalsada kung ititigil ba muna nila o itutuloy ang mga ito kahit maging sanhi ng matinding trapik.
Wala naman sanang problema ang paghuhukay at pagkakaroon ng trapik kung may alternatibo lang sanang masasakyan ang mga tao, pati na ang mga estudyante.
Ang kaso, kulang ang mga kalsada at maging ang madali sanang paraan ng paglalakbay sa MRT at LRT, eh kung hindi sira, punuan at pang-forever ang pila.
Ang nakatatawa lang, ang problema tungkol sa maintenance ng mga riles at bagon noong nakaraang mga administrasyon, aba’y problema pa rin ngayon.
Hindi yata biro ang kalbaryo ng mga estudyante tuwing pasukan lalo na ngayong panahon ng tag-ulan. Aba’y parang instant noddle ang mga kalsada rito sa atin na “just add water”, baha na!
Ngayon magkakaalaman kung may saysay ang mga ginawang anti-flood projects sa Metro Manila kung mababawasan ba ang pagbaha. Pero ang tanong, papaano kung nandyan pa rin ang baha?
Bukod sa ulan, trapik, at baha, magkakaalaman din kung muling maglalabasan ang mga dati nang problema sa pagbubukas ng klase tulad ng kulang ang silid-aralan, upuan, libro, at kung marami na naman ang hindi nag-enroll dahil sa K-12 Program.
Hindi yata biro na may mga graduate na sana ng high school at elementary ang aakyat sa panibagong baytang pero mauudlot dahil sa K-12 Program. Kung isang kahig, isang tuka ang mga magulang ng mga mag-aaral na ito, tiyak na masakit sa bulsa ang dagdag na taon ng pananatili ng kanilang anak sa paaralan.
Mabuti sana kung laging patas at lahat ng paaralan ay sumusunod sa panuntunan tungkol sa kung sino ang mga mag-aaral na kuwalipikado at karapat-dapat na mabigyan ng pinansiyal na tulong para makapagpatuloy ng pag-aaral sa ilalim ng programa.
Kamakailan nga lang, mismong ang kalihim na ng Department of Education ang nagsabi na kakailanganin nila ang karagdagang 50,000 para sa K-12 Program. Aba’y indikasyon ba ito ng kakapusan ng mga guro? Eh ang bilang kaya ng mga silid-aralan, sapat kaya?
Hindi lang ‘yan, mga tsong, maganda ring mabantayan kung nagkaroon ba ng silbi ang bagong batas tungkol sa free tuition ng mga mahihirap na mag-aaral sa kolehiyo.
Ang mga karapat-dapat din kaya ang nakinabang sa programang ito o nagkaroon ng palakasan para may makalibre lang sa pangmatrikula.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)