Handa ba ang Pilipinas kapag sumiklab ang giyera sa Korean Peninsula lalo na’t umiinit ang batok ni United States (US) President Donald Trump sa North Korea?

Mukha kasing walang paghahanda ang ginagawa ng ating gobyerno kaya hindi na ako magtataka kung magkukumahog na naman sila kapag sumiklab ang giyera sa Korean Peninsula (huwag naman sana).

Tandaan natin na ang Korea ay mahigit 3,000 kilometro lang ang layo sa Pilipinas at ang puwersa ng Amerika ay nasa Philippine Sea kaya kung sakaling lumala ang tensyon ay hindi maaaring wala ta­yong pakialam.

Tandaan din natin na libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) ang naka-deploy South Korea kaya hindi maaaring hindi tayo maaapektuhan kung sakali.

Makakaladkad din sa giyerang ito ang Japan at Taiwan kapag nagkataon at tulad ng South Korea ay napakaraming OFWs sa mga bansang ito na kaila­ngang mailikas sakaling magkaputukan.

Tiyak na lolobo rin kapag nagkataon ang bilang ng mga Filipino na walang hanap-buhay dahil anong papasukang trabaho ang mga OFWs na galing sa bansang ito kung sakali?

Nararapat lamang na paghandaan na ng Pilipinas ang lahat ng posibilidad. Hindi baleng sabihin ng mga kritiko ng administrasyon na praning lang sila, ang importante handa kesa magkumahog na naman tayo.

Ang nakaupong Pangulo ng Amerika ay isang Republican at sa panahon natin, nasaksihan natin na kapag Republican ang nakaupo sa White House ay siguradong may giyera.

Republican ang nasa likod ng giyera sa Iraq matapos akusahan nila si Saddam Hussien na mayroong armas nuclear at medyo lumamig lang ang ulo ng Amerika nang maupo ang Democrat na si Barack Obama.

Kaya hindi ako magtataka kung bombahin ng Amerika na North Korea dahil naniniwala sila na mayroong armas na nuclear ang tanging bansa nga­yon sa mundo na pinapatakbo ng diktador.

Kaya ngayon pa lamang dapat paghandaan na ng Pilipinas ang lahat ng posibilidad dahil masyado­ tayong malapit sa rehiyon at daanan ng puwersa ng Amerika ang Philippine Sea at mayroon pa tayong kasunduan sa Amerika at baka tayo ay pag-initan.

Tama na muna sana ang ingay sa pulitika at tumigil na muna ang oposisyon at administrasyon sa kanilang bangayan dahil wala naman talagang nai­dudulot na tama ito sa ating bansa.

‘Yung mga netizens ng magkabilang kampo lalo na ‘yung mga supporters ng administrasyon ay tumigil na muna at magkaisa na lang tayo para sa ating bansa dahil kung magpapatuloy ang kanilang siraan kapag nagkaron na ng matinding problema eh lugi ang buong bansa.

Lahat naman tayo eh nagmamahal sa bayan kaya bakit hindi na lang muna tayo magkaisa at harapin ang problemang nakatakdang dumating at magkaisang resolbahin bago pa man dumating? (dpa_btaguinod@yahoo.com)