Hangin sa Metro Manila kontaminado ng ashfall

Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na manatiling magsuot ng face mask para hindi makalanghap ng ali­kabok na galing sa abo ng pumutok na Bulkang Taal.

Inilagay ng Phivolcs sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal noong Linggo at umabot ang ashfall nito sa Metro Manila.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, hindi maganda ang air quality index sa ilang lugar sa Metro Manila katulad sa Las Piñas, Mandaluyong at Taguig City lalo na sa mga may sakit at may problema sa respiratory system kung kaya’t kinakailangang gumagawa ng kaukulang pag-iingat.

Aniya, sa kasalukuyan ang particulate matter (PM) sa Metro Manila na nalalanghap ay PM10 o iyong tinatawag na visual pm nakikita pa natin pero ang kinatatakutan umano nila ay kapag uma­bot ito sa PM 2.5 dahil puwedeng dumiretso sa baga kapag nakalanghap ng alikabok.

“Better air quality kanina [kahapon] kasi umulan. But we are expecting worst situation. Dust particles are the main source of PM 10 visible nakikita few minutes, malalaman lang natin ‘pag sinumpong ang may hika,” ani Antiporda. (Riz Dominguez)