Hangzhou Asiad paghandaan na

Isang pagbati ng Happy New Year sa ating mga atleta at sa lahat ng sumusubaybay sa Buhay Atleta. Kung ako’y tatanungin ninyo kung ang taong 2019 ay naging maganda ba para sa Philippine sports, malamang ang sagot ng bawat Pilipino ay ubod nang ganda.

Una dahil nakasungkit tayo nang maraming medalyang ginto, at ang Pilipinas ang nanalo ng gene­ral championship sa 30th Southeast Asian Games PH 2019 sa bansa nitong Nobyembre 30-Disyembre 11. Hinangaan ko rin ang magandang mga pasilidad sa New Clark City – ang NCC Athletics Stadium at NCC Athletics Center, pati ang mga pinagandang Rizal Memorial Sports Complex kabilang na ang Ninoy Aquino Stadium at PhilSports Complex (dating ULTRA).

Medyo ‘di tayo napahiya sa pagiging host ng SEA Games. Humanga rin ako sa tagumpay nina weightlifter Hidilyn Diaz, gymnast Carlos Edriel Yulo, trackstar Kristina Knott at pole vaulter Ernest John Obie­na sa Athletics, at iba. Sila ang mga magi­ging pambato natin sa 2020 Tokyo Olympics.

Ang sport na malapit sa puso ng bawat Pilipino, ang basketball, maganda rin ang kinalabasan sa SEAG. Tapos ng masamang resulta sa FIBA World Cup sa ilalim ni coach Yeng Guiao, kung saan ‘di tayo pinalad manalo, at nakuha pa natin ang pinakahuling pwesto, binuhos naman ng ating Gilas ang lahat sa SEAG, sa pangunguna ni coach Tim Cone, ang pinakamaraming panalo sa PBA.

Ubod nang ganda ang mga laro ng Pilipinas. Lahat nang nakalaban natin ay tinambakan ng ating koponan. Nakalimutan ng ating mga kababayan ang masamang pagkatalo natin sa World Cup. Medyo ‘di nga lang masyado mabigat ang mga nakalaban natin sa SEAG.

Ang nakakabahala ay ang susunod na mga laro ng Gilas sa XIX Asian Games sa Hangzhou, China sa 2022. Dito, medyo mahirap na maulit ang ginawa ng ating koponan sa SEA Games. Makakaharap na natin ang Iran, China, South Korea at ang magagaling na manlalaro sa Gitnang Sila­ngan, tulad ng Leba­non, Jordan, at iba pa.

Ngayon palang, da­pat nang pagplaplanuhan ng Samahang Basketball ng Pilipinas ang preperasyon para sa torneong ito. Lagi ko nga sinasabi, ‘di composition but preparation” ang importante kung tayo ay magtatagumpay sa Hangzhou.