Hapi sa kabila ng krimen at korapsyon

Napasama ang Pilipinas sa tinaguriang ‘happiest place’ sa buong mundo, batay sa Happy Planet Index (HPI) report ng think tank New Economic Foundation (NEF).

Pumuwesto tayo sa pang-20 na nakakuha ng 35.0 HPI score.

Ibinase ang HPI score sa well-being kung saan lima ang score ng Pilipinas; life expectancy, 67.9 taon; inequality of outcomes, 26 porsiyento; at ecological footprint ng mga mamamayan at 1.1 global­ ­­hectares per person.

Nanguna ang Costa Rica na happiest place on Earth na mayrooong 44.7 HPI score. Ang HPI report ay nilahukan ng 140 bansa sa ­buong mundo.

Nakasaad sa report na bagama’t ang mayayamang Western countries­ ay karaniwang binabansagang ‘standards of success’ ay ­hindi napabilang ang mga ito sa may matataas na puwesto.

Pampa-good vibes ang ganitong klaseng report lalo na’t ­bumubungad sa atin araw-araw ang kaliwa’t kanang balita ng ­pagtimbuwang ng mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga at pagkaso sa ilang pulitikong sangkot sa katiwalian.

Ang tanong wala na nga bang paki ang karamihan sa ating mga kababayan sa mga nangyayaring krimen sa ating bansa kaya ­nananatili tayong masaya? Hindi naman sana ganu’n.

Ang sa amin walang masamang maging masaya pero sana lang ay may pakiramdam at pakialam pa rin tayo sa mga nangyayari sa ating paligid, lalo na sa maigting na kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.

Hindi tamang magbulag-bulagan kung may pang-aabusong nangyayari sa karapatang-pantao para lamang magtagumpay sa sinasabing giyera kontra iligal na droga ng pamahalaan.