‘What happens in Vegas, stays in Vegas’

Tulad ng kawikaan na “What happens in Vegas, stays in Vegas”, maaaring malibre sa pananagutan sa batas si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa pagtanggap ng regalo kay boxing icon at Senador Manny Pacquiao dahil nangyari ito sa Las Vegas at hindi sa Pilipinas.

Sinabi ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III na maraming abogado ang nagtatalo kung maaaring kasuhan si Dela Rosa, dahil kung kasala­nan ang pagtanggap ng all-expense paid trip to Las Vegas mula kay Pacquiao ay sa batas ng Estados Unidos dapat ito managot at hindi sa Ombudsman.

“Ganu’n ang intindi ng mga lawyers. I-research mo. Kasi hindi mo rito ginawa sa Pilipinas.

Dun ka mananagot sa pinaggawan mo ng krimen kung krimen ang ginawa mo,” paliwanag ni Sotto sa isang ambush interview.

Tiwala rin ang senador na walang pananagutan sa batas ang PNP chief kung talagang inilibre lang siya ng pagkain ni Pacquiao.

Nitong Lunes ay sinabi ni Pacquiao na nagtataka siya kung bakit pinag-iinitan pa ng Ombudsman ang paglilibre niya ng pagkain kay Dela Rosa sa Las Vegas.

Gayunman, tikom naman ang bibig ng Pambansang Kamao kung siya rin ang gumastos sa airfare, hotel accommodation at allowance ng PNP chief at ng pamilya nito.

Sa interview ng ABS-CBN News Channel kay Dela Rosa noong nasa Las Vegas ito, sinabi ng PNP chief na “‘Yung pamasahe namin, hotel namin ng a­king pamilya at allowance personal na binigay ‘yan sa atin ni Sen. Pacquiao.”