Happy anniversary sa UDM

Napakabilis talaga ng panahon. Akalain ninyo, 25 taon na pala ang Universidad de Manila (UDM)?

Kaya naman taus-puso kong binabati ang lahat ng bumubuo ng UDM sa ika-25 anibersaryo nito, partikular na ang mga nagpapatakbo nito sa pamumuno ni UDM President Malou Tyquia, mga miyembro ng faculty, deans of colleges, mga miyembro ng Board of Regents, utility workers, trabahador at siyempre pa, ang libo-libong mag-aaral nito. Binabati ko rin ang mga alumni ng UDM sa silver anniversary ng kanilang pinakamamahal na paaralan.

Nang magtalumpati ako kaugnay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng UDM na kasabay ng pagbubukas ng isang mas maganda at makabagong Mehan Garden sa tabi ng campus, aking ipinaalala sa lahat ng naroon na kung meron mang dapat na kilalanin sa gabing iyon, ‘yan ay walang dili’t iba kundi ang dating mayor ng Maynila na si Alfredo S. Lim, dahil siya ang nakaisip at nagkaloob ng UDM na hanggang ngayon ay nagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo sa mga Batang Maynila na gustong-gusto mag-aral subalit walang pantustos.

Bahagi na ng kasaysayan ang pagkakatatag ni dating Mayor Lim ng UDM kaya’t gusto kong itanim sana ito ng kabataang mag-aaral doon sa kanilang puso at isipan. Gusto kong ‘wag silang makalimot dahil ako’y naniniwala na ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.

Ngayon, bilang suporta sa konsepto ng libreng college education, sisikapin natin na madagdagan ang pondong nakalaan para sa UDM para mapagbuti ang kalidad ng edukasyon dito. Bukod diyan, ang ating pamahalaang lungsod ay magbibigay ng P1,000 na buwanang allowance sa mga mag-aaral ng UDM at ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), para magamit nila pantulong sa gastusin sa pamasahe at pagkain araw-araw. ‘Yan ay aprubado na at naipasa na bilang batas ng konseho ng Maynila sa tulong ni Vice Mayor at Council Presiding Officer Honey Lacuna at mga kaalyado nating konsehal.

Bilang kapalit ng mga ibinibigay ng gobyernong lokal, hiling ko naman sa mga mag-aaral na pagbutihin nang husto ang kanilang pag-aaral. Huwag ubusin ang inyong panahon at enerhiya sa social media at video games.

Produkto rin ako ng public school kaya alam ko kung gaano kasakit at kahirap para sa isang bata ang isipin na bukas-makalawa ay namumuro kang mapahinto sa pag-aaral dahil walang pambayad ng matrikula ang iyong mga magulang.

Kaya kayong mga mag-aaral ng UDM at PLM, gayundin sa lahat ng iba pang pampublikong paaralan, hinihimok ko kayo na magpasalamat sa Diyos sa pagkakataong naibibigay sa inyo ng pamahalaang lungsod na makapag-aral nang libre.

Sana, maitanim sa isipan ninyong lahat na pakaingatan at pakamahalin ang pagkakataong mag-aral nang libre sa halip na balewalain ito sa pamamagitan ng pagbubulakbol at pagpapabaya.

Wala kayong ideya kung gaano karaming kabataan ang gagawin ang lahat makapag-aral lamang. Marami ang gustong-gustong makamit kung anuman ang tinatamasa ninyo sa ngayon kaya bigyan sana ninyo ng halaga ang inyong pag-aaral at huwag itong ipagkibit-balikat lamang.

Para pa rin sa mga estudyante ng UDM, ang Mehan Garden na matatagpuan sa tabi ng kanilang paaralan ay ating pinaganda at ginawang moderno, nang sa gayon ay magkaroon sila ng isang lugar na maaaring tambayan para mag-aral, gumawa ng mga takdang-aralin o proyekto at makipag-bonding sa mga kaibigan at kaklase.

Muli, hiling ko sa mga mamamasyal sa Mehan Garden na tumulong sa pangangalaga nito, sa pamamagitan ng pagtatapon ng basura sa tamang sisidlan at pagpapanatili sa kalinisan ng palikuran at paligid ng parke.

Higit sa lahat, pana­wagan ko sa lahat ng mag-aaral na huwag magmadali pagdating sa pag-aasawa. Walang masama na umibig dahil lahat naman tayo ay dumaraan diyan pero sana, gamitin natin ito bilang inspirasyon para pagbutihin at galingan pa ang pag-aaral, hindi para mag-asawa o magka-anak nang wala sa tamang panahon. Sa mga mag-aaral, magtapos muna kayo ng inyong pag-aaral.

Kapag nakatapos na kayo ng pag-aaral, mag-establish kayo ng career, tumulong sa inyong mga magulang o pamilya o dili kaya ay magtipon para sa kinabukasan nang sa gayon, mabigyan ninyo ng magandang buhay ang inyong magiging sa­riling pamilya. Kaa­gapay ninyo ang pamahalaang lungsod sa inyong pag­lalakbay kaya sana ay magtulungan tayo.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. God first!

***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso’.