Kinamulatan ko nang walang eksaktong petsa ang pista sa aming barrio sa Barangay Julugan sa Tanza, Cavite. Ang alam ko lang, tapat ito lagi sa Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay.

Pero nabago ito noong 2012 kung kailan isinunod sa feast day ni Santa Monica ang kapistahan sa amin. Si Santa Monica ang ina ni San Agustin o mas kila­lang ‘Tata Usteng’ na pat­ron naman sa bayan ng Tanza. May pitong taon na rin naming ipinagdiriwang ang pista sa barrio tuwing May 4.

Nabago man ang petsa ng pista, hindi pa rin nawala ang kasiyahan ng selebrasyon. Sa katunayan­, lalong na­ging makulay ang pagdiriwang taon-taon. Pangingisda ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga taga rito sa Julugan. Kaya buhay na buhay ang fluvial procession, kung saan ipinaparada sa dagat ang re­bulto ng mahal naming patron. Ngayong taon, may pa-contest pang karera ng mga bangka.

Pinatingkad din ang pagdiriwang ng tradisyunal na Sayaw-Karakol. Hindi alintana ang init, mapa-bata man o matanda, game na game sa pag-indak. Suot ang kani-kanilang costume, bumida ang iba’t ibang grupo. Nagsama-sama ang magkakatropa. At siyempre, hindi rin nagpahuli sa kanilang dance moves ang mga nasa third sex na lalong nagpasaya at nagbigay buhay sa karakol. May videoke challenge din sa mga naging pastime na ang biritan.

Tuwing may fiesta, bida siyempre sa hapag ang iba’t ibang putahe na karaniwang ‘do’ ang ending – menudo, mechado, hamonado, embutido at kung anu-ano pa. Talaga namang busolved ka. Pero hinay-hinay lang sa kain at baka naman ika’y ma-impatso.

Ma­laki ang naiambag ng Tanza sa kasaysayan ng bansa. Sa parokya ng baya­n namin nanumpa ang kauna-unahang Pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo.

Ngayong makabagong panahon, sa barrio naman namin nagmula ang ilang kilalang TV personality gaya ng magkapatid na basketbolistang sina Yancy at Ranidel de Ocampo, pati na ang artistang si Louise delos Reyes. Bagay na ikinatutuwa ng aming butihing Mayor Yuri A. Pacumio na tubong Julugan din.

Ngayong Mayo ang bulto ng mga kapistahan. Bawat lugar, may kanya-kanyang patron. Iba-iba ang petsa ng pista. Ang sa akin lang, huwag nating kalimutang alalahanin at isabuhay ang mga magagandang asal at gawa ng ating patron.

Magugunitang hindi naging masaya ang buhay may-asawa ni Santa Monica. Kaya’t pinagbuhusan niya ng panahon, lakas at pagtitiyaga ang kanyang pananampalataya upang makayanan ang mga pagsubok.

Problema rin noon ni Santa Monica ang maharot na pag-uugali at magulong pamumuhay ng kanyang anak na si San Agustin. Labimpitong taon ng pananalangin, pagluha, at pag-aayuno ang ginawa ni Santa Monica upang maituwid ang minamahal na anak.

Si Santa Monica ang patron ng mga babaeng may-asawa, at modelo ng Kristiyanong Ina lalo na sa mga magulang na ang mga anak ay suliranin ng tahanan at lipunan.

Ngayong taon, natapat ang fiesta namin sa pagsisimula ng campaign period para sa Barangay at SK Elections. Hiling ko sa mga kandidato na huwag kali­mutan ang sakripisyo ni Santa Monica. Gaya niya, ma­ging huwaran sana silang lahat sa mga bata ng ma­kabagong henerasyon.