Inulan ng batikos ang pahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na nasa isip o state of mind lamang ng mga Pinoy ang idinadaing na problema ng trapiko sa bansa.

Ang pag-iisip lamang ng mga Filipino anang kalihim na nakatoka sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko ang nagpapalala sa sitwasyon ng trapiko kung saan ay nakasanayan na rin umanong gamitin ng publiko na gawing dahilan o palusot ang nararanasang matinding trapik sa tuwing nahuhuli sa oras ng pasok sa trabaho.

Kaya’t sinabi ng kalihim na tigilan na ang paninisi sa trapiko.

Ang dapat aniyang pairalin ay ang mga tao mismo ang magbago na huwag laging gamiting dahilan ang trapiko sa mga hindi magandang nangyayari sa pang-araw-araw na aktibidad sa buhay.

Ang pahayag na ito ng kalihim ay senyales nga kaya ng pagsuko o kabiguan ng liderato ni Tugade na resolbahin ang problema sa trapiko?

Para sa amin, hindi tamang rason o palusot sa kawalan ng epektibong solusyong mailatag ang gobyerno sa dinaranas nating monster traffic ang tinuran ng DOTr chief.

Kung mananatiling ganyan ka-negatibo ang pananaw ng opisyal na naatasang mangasiwa sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko ay hindi ito magtatagumpay sa kanyang misyon.

Kaya ang aming payo kay Secretary Tugade, hindi tamang banggitin ang salitang nasa pag-iisip lamang ng bawat mamamayang Filipino ang dinaranas na trapiko sa kalsada dahil solidong patunay si Pangulong Rodrigo Duterte sa banas na ba­nas sa mahabang oras na ginugugol sa pagbibiyahe sa Metro Manila dahil sa masikip at mabagal na daloy ng trapiko.

Ang tamang gawin ay tanggapin natin ang katotohanang terible na ang problema sa trapiko sa bansa at kung hindi masosolusyunan ay mas malaki ang epekto nito sa ekonomiya ng ating bansa.

One Response

  1. Ayon ke Sen Honasan, lost in translation ang nangyari. Magkaiba ang ibig sabihin ng TRAFFIC IS A STATE OF MIND (“nasa isip o state of mind lamang ng mga Pinoy ang idinadaing na problema ng trapiko sa bansa,”) sa “a state of mind adds to the problem of traffic.’ (kung ita translate mo: ang state of mind ang nagdadagdag sa problema sa trapiko.” ang pahayag ni Sen Honasan: