Hard lockdown sa ilang lugar sa Maynila pinaplano

Pinag-aaralan na ng Manila Police District (MPD) ang pagpapatupad ng hard lockdown sa Tondo, Sta. Cruz, San Andres at Malate.

Nabatid na nagbigay na umano ng kautudan si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa station commander ng MPD -PS 1, 2 3, 6 ,7 at 9 para planuhin ang pagpapatupad ng panibagong hard lockdown sa mga nabanggit na lugar sa Maynila.

Nabatid na ipinrisinta ng mga station commander kahapon kay Moreno ang mga ginawa nilang security plan sa kanilang mga nasasakupan para sa ipatutupad na hard Lockdown.

Layunin nito na magpatupad ng mass testing, swabbing sa mga indibiduwal na kinakitaan ng mga sintomas ng COVID-19.

Pag-aaralan kung ang lockdown ay ipatutupad ng 48 oras o 24 na oras.

Una nang nagpatupad ng 24 na oras na lockdown sa Brgy 20 sa Parola, at 48 oras naman na lockdown sa Sampaloc District nitong nakalipas na Abril 23 hanggang 25. (Juliet de Loza-Cudia)