Nagsabwatan sina James Harden at Gerald Green sa fourth quarter at nasalag ng Houston Rockets ang matinding fightback ni Kawhi Leonard at ng Toronto Raptors.
Nilista ni Harden ang 19 sa kanyang 35 points sa final period, may 11 sa frame si Green tungo sa 18 points, at naligtasan ng Rockets ang pagkalusaw ng malaki-laking lead para ipreserba ang 107-95 panalo Martes ng gabi.
May tig-13 points pa sina Eric Gordon at Austin Rivers sa season high-tying sixth straight win ng Rockets.
Nagsumite si Leonard ng 26 points, umayuda ng 10 points at 15 rebounds si Serge Ibaka pero hindi napigil ang pagkalagot ng seven-game winning streak ng Raptors sa sariling teritoryo.
Pasok ang 12 sa 30 tira ni NBA leading scorer Harden, kasama rito ang 3 for 9 clip mula long range. Perpektong 8 of 8 siya sa stripe.
Mukhang minamani lang ni Harden ang pag-iskor, pero iba ang pananaw ng teammate niyang si Chris Paul: “If it (scoring) was that easy, everybody would do it.”
Umabot na sa 18,000 career points si Harden, umiskor ng 28 o higit pa sa 39 straight games – second-longest streak sa kasaysayan ng NBA. Hawak ni Wilt Chamberlain (71 games) ang record.
Binura ng Raptors ang 22-point deficit sa second at naagaw pa ang manibela sa third pero hindi nakakapit hanggang fourth.
Sa halip, Houston ang kumaripas nang ipasok ang pito sa unang walong bitaw mula sa labas ng arc. Overall ay 15 for 34 mula 3-point range ang Rockets.
Sa final 12 minutes ay 6 of 7 mula sa field si Harden, may dalawang 3s, at nabigyan ng limang free throws.