VE
Patuloy ang paglaladlad ni James Harden ng tikas na nagbigay sa kanya ng MVP award nitong nagdaang season.
Nagliyab ng 45 points si Harden at namigay ng 6 assists para balikatin ang Houston Rockets sa 127-113 panalo kontra Boston Celtics Huwebes ng gabi.
Nagdagdag si Clint Capela ng 24 points at 18 rebounds para ihatid ang Rockets sa pang-walong panalo sa huling siyam na laro.
Kahit ang nananakit na kaliwang binti, hindi napigil si Harden na nangolekta ng 17 points sa first quarter at tumapos ng 11 of 26 mula sa field, 9 for 18 sa 3-pointers.
“You take those shots, you’re confident in those shots and those shots will go,” aniya. “Sometimes they might not go in, but mostly, they’ll go in.”
Mula sa labas ng arc ay 18 for 45 ang Houston na humugot pa ng 20 points mula kay Eric Gordon.
Sa walong sunod na laro ay nakakapagsumite si Harden ng 30 points o higit pa, pinakamahabang streak sapul nang magtuhog din ng walong laro si Russell Westbrook na may 30-point games noong November 2016. Umiiskor na rin si Harden ng at least 35 points sa anim na sunod na laro, longest streak din pagkatapos ng sixth straight ni Carmelo Anthony noong April 2013.
Nag-deliver si Kyrie Irving ng 23 points at 11 assists para sa Celtics, may 19 si Marcus Morris bago na-eject sa kalagitnaan ng fourth quarter.