Ayaw pa ring magpaawat ni James Harden, umiskor ng 41 points para ihatid ang Houston Rockets sa 108-104 panalo kontra New Orleans Pelicans, Sabado ng gabi.

Si Harden ang unang NBA player pagkatapos ni Oscar Robertson na nag­lista ng 35 points o higit pa at may 5 assists sa pitong sunod na laro.

Sa first half lang ay may 26 na ang reigning MVP at nakuha ang 40 sa ikatlong sunod na laro. Kumonekta siya ng 7-for-16 sa 3-point range, perpektong 14-of-14 sa free throws at may 6 assists.

Pinantayan din ni Harden ang streak ni Michael Jordan na may pitong sunod na larong nakakakubra ng 35 points o higit pa.

Ang streak nila ay fourth-longest sapul nang magsanib ang NBA at ABA (American Basketball Association) noong 1976-77. Hawak ni Lakers great Kobe Bryant ang record na 13 straight games, kasunod ang 10 ni Jordan at 9 ni LeBron James.

Binasag din ni Harden ang six-game streak ni Carmelo Anthony noong 2012-13.

“That’s what I play for, to be mentioned with the greats,” pahayag ni Harden ayon kay Jonathan Feigen ng Houston Chronicle. “Obviously, I have a long way to go, but that’s what I put my jersey on for, what I lace my shoes up for, to be mentioned as one of the best players to ever touch a basketball.”

Noong Biyernes ay umiskor ng season-high 48 si Anthony Davis sa panalo ng New Orleans kontra Dallas. Mukhang napagod na siya kontra Rockets, limang tira lang ang pinakawalan niya sa first half at tumapos ng 22 points.
Pinamunuan ng 23 points at 11 rebounds ni Julius Randle ang Pelicans.

Bumuka ang lead ng Rockets, 101-86, sa kalagitnaan ng fourth pero nagkasa ng 13-2 run ang Pelicans, anim dito kay Davis, para dumikit, 103-99.

Abante ang Houston, 104-101, may 12.6 seconds na lang, nagbaon ng dalawang free throw si PJ Tucker para selyuhan ang panalo. (VE)