Harden, Rockets deretso 14; Clippers pinilipit

Binarikadahan ng yellow tape ang pinto sa locker room ng Houston Miyerkoles ng gabi.

Dito sa ‘secret passage’ dumaan ang Rockets players pagkatapos ng laro noong Jan. 15 nang tangkaing sumugod sa dugout ng Los Angeles Clippers. Nagsimula ang iringan sa court, umapaw hanggang pagkatapos ng laro.

Sa muling pagdayo ng Rockets sa LA, nilagyan ng tape ang pinto sa Houston locker room, may nakasulat na ‘Do Not Enter. CAUTION.’

Nagawa pang magbiro ni Clippers coach Doc Rivers, papaderan na raw nila ang pagitan ng dugouts: “We’ve barricaded all the secret passageways.”

Pagdating sa court, mula opening tipoff ay humarabas na ang Rockets hanggang itakbo ang 105-92.

High octane agad si James Harden, nagpasabog ng 17 points sa first quarter lang para tumapos ng 25.

Isa sa pinakitang angas ni Harden nang pa-zigzag na sayawan si Wesley Johnson, tinangkang sumabay ng Clippers defender pero nagbuhol ang mga paa at patihayang naplakda sa sahig. Ilang sandali munang tinitigan ni Harden ang bumagsak na bantay bago bumitaw ng 3 na nagbigay sa Rockets ng 31-7 lead.

Mabilisang ginawang pang-14 na sunod na biktima ng Houston ang LA.

Hindi naman daw sinadyang titigan ni Harden si Johnson. (VE)