Harden taas-kamay sa FIBA World Cup

Harden taas-kamay sa FIBA World Cup

Si Houston Rockets superstar James Harden ang isa sa mga unang nagtaas ng kamay para maglaro sa Team USA sa 18th FIBA World Cup 2019 sa China na sisiklab sa Aug. 31-Sept. 15.

Pagkatapos ng draw ng event noong Sabado, agad sinabi ni NBA star Harden na handa siyang maglaro sa team na hahawakan ni coach Gregg Popovich ng San Antonio Spurs.

Iniuwi ng Americans ang titulo ng huling dalawang edisyon ng torneo, kasama si Harden sa mga nagpasiklab sa Spain noong 2014.

Sa China, nasa Group E ang USA kasama ang Turkey, Czech Republic at Japan.
“Of course I want to play,” sagot ni Harden, 29, sa Houston Chronicle nang matanong. “It’s an opportunity to represent your country, go out there and play basketball.”

Hindi naglaro ang The Beard sa gold medal team ng USA sa Rio Olympics noong 2016.

“If that opportunity presents itself, I’ll be in. Not everyone gets that opportunity,” dagdag niya. (VE)